top of page
Search
  • BULGAR

Jazz, dinurog ang Lakers, Fil-Am Clarkson, malupit

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 26, 2021





Walang dudang pumasa sa matinding pagsubok ang Utah Jazz at dinurog ang matamlay na defending champion Los Angeles Lakers, 114-89, sa tampok na laro sa NBA kahapon mula sa Vivint Arena. Pinatunayan ng Jazz na hindi tsamba ang kanilang pagiging numero uno sa buong liga sa likod ng mahusay na numero nina Pinoy pride Jordan Clarkson at All-Star Rudy Gobert.


Agad nagtrabaho si Clarkson para sa 13 ng kanyang 18 puntos sa first half pa lang at lumamang ang Utah, 51-34, at lalong lumayo sa 4th quarter, 105-76. Nagtapos din ng may 18 puntos si Gobert upang umakyat sa 26-6 at palawakin ang pagitan sa pumapangalawang Los Angeles Clippers (23-10).


Binura ng Charlotte Hornets ang 17 puntos na lamang ng Phoenix Suns sa 2nd quarter upang manaig, 124-121. Malaki ang papel ni reserba Malik Monk na tumira ng limang tres para sa 29 puntos at Gordon Hayward at LaMelo Ball na parehong may 20 puntos.


Napigil ng Golden State Warriors ang paghabol ng Indiana Pacers at nagwagi, 111-107. Apat lang subalit mahalagang free throw si Stephen Curry sa fourth quarter para manguna na may 24 puntos. Ipinasok ni Luguentz Dort ang tres sabay ng huling busina at salbahin ang Oklahoma City Thunder kontra sa San Antonio Spurs, 102-99. Hindi nasayang ang 42 puntos ni Shai Gilgeous-Alexander.


Nakaganti ang Atlanta Hawks sa Boston Celtics, 127-112, sa ikatlo at huli nilang pagkikita ngayong taon. Ipinasok ni Danilo Gallinari ang 10 tres para sa 38 puntos habang hindi nagpahuli si Trae Young na may 33 puntos para umangat ang Hawks sa 14-18. Matapos matalo ng 10 sunod, dalawang sunod na ang Cleveland Cavaliers at pinadapa ang Houston Rockets, 112-96. Nagtala ng 26 puntos at 18 rebound si Jarrett Allen.


Patuloy din ang unti-unting pagbawi ng Miami Heat at tinalo ang Toronto Raptors, 116-108. Parehong double-double sina Jimmy Butler na 27 puntos, Bam Adebayo na 19 puntos. Nagdiwang din ang New Orleans Pelicans sa kanilang 128-118 tagumpay sa Detroit Pistons. Kinailangan ng Chicago Bulls ang overtime para iligpit ang kulelat na Minnesota Timberwolves, 133-126.


Samantala, pinalitan ni Devin Booker ng Phoenix Suns sa All-Star si Anthony Davis ng Los Angeles Lakers na nagpapagaling pa ng pilay. Noong nakaraang taon, si Booker din ang hinirang na pumalit kay Damian Lillard ng Portland Trail Blazers na napilay din bago ang laro.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page