James, Irving, Mills at Jokic, hindi kumukurap
- BULGAR

- Jan 7, 2021
- 2 min read
Updated: Jan 8, 2021
ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 7, 2021

Bumida sina LeBron James at Anthony Davis sa opensa at depensa sa huling 5 minuto upang manalo muli ang defending champion Los Angeles Lakers sa Memphis Grizzlies, 94-92, sa simula ng ikatlong linggo ng NBA kahapon sa FedExForum. Matapos matalo sa opening ng torneo noong Disyembre 22, balik sa tuktok ng Western Conference ang mga kampeon sa kartadang 6-2 panalo-talo at itinala ang ika-apat na sunod kasama ang 108-94 na pagwagi sa Grizzlies noong Enero 3.
Nagsama ang dalawang bituin sa isang 15-4 run upang humabol, tumabla at lumamang na may 31 segundo sa orasan, 92-83, kumapit sa gitna ang mainit na huling hirit ng Memphis. Parehong nagtapos na may tig-26 puntos sina James at Davis habang 12 ang ambag ni Dennis Schroder.
Sa iba pang laro, binura ng San Antonio Spurs ang inaasam ng Los Angeles Clippers na sumosyo sa liderato ng West, 116-113. Lumamang ng 24 ng Spurs sa second quarter, 54-30, subalit nagawang makabalik ang Clippers at gawing dalawa na lang ang lamang ng San Antonio sa huling 47 segundo, 115-113.
Ipinasok ni Patty Mills ang free throw na may 5.7 segundo at nagmintis ang tres na Kawhi Leonard na magpapatabla sana sabay ubos ng oras. Nangibabaw si Mills sa kanyang 27 puntos mula sa 8 tres at tinulungan siya ni Dejounte Murray na may 21 puntos.
Walang Kevin Durant, walang problema para sa Brooklyn Nets at dinurog nila ang bisitang Utah Jazz, 130-96. Gumawa ng 18 ng kanyang 29 puntos si Kyrie Irving sa first quarter pa lang at umarangkada agad ang Nets, 35-14.
Unang umabot ng 34 ang lamang, 123-89, matapos ang mahusay na ipinakita nina Caris LeVert na may 24 puntos at Jarrett Allen na may 19 puntos at 18 rebound upang pantayin ang kanilang kartada sa 4-4. Hindi pinalaro si Durant bilang pagsunod sa heath at safety protocol matapos makisalamuha sa isang nagpositibong kaso ng COVID-19 at tinatayang liliban sa tatlo pang sunod laro.
Bumuhos ng 15 na walang sagot na puntos ang Denver Nuggets sa simula ng fourth quarter para patirin ang bisitang Minnesota Timberwolves, 123-116. Binuksan ni numero unong rookie Anthony Edwards ang quarter, 98-93, subalit biglang tumahimik ang Timberwolves at nagising ang Nuggets sa likod nina Nikola Jokic, Will Barton at Facundo Campazzo at tinuldukan ng dunk ni Monte Morris para lumamang, 108-98, at hindi na nila ito binitawan sa nalalabing pitong minuto.
Nanguna para sa Denver si Jokic na may 35 puntos, 15 rebound at anim na assist at sinundan siya ni Barton na may 18 puntos at pitong rebound. Umakyat ang Nuggets sa 3-4 habang bumaba sa 2-5 ang Timberwolves.





Comments