- BULGAR
Itinirik ng Army ang biyahe ng Crossovers sa PVL Invt'l
ni Gerard Arce - @Sports | July 27, 2022

Pinasabog ng Army-Black Mamba Lady Troopers ang biyahe ng Chery Tiggo Crossovers upang mapatibay ang ika-apat na pwesto sa iskor na sa 25-20, 25-23, 25-22 patungo sa nalalapit na pagtatapos ng elimination round ng 2022 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference sa FilOil Flying V-Arena sa San Juan City kahapon.
Nagpamahagi ng mga importanteng pasa sa kabuuan ng laro si Private Ivy Perez para sa kabuuang 18 excellent sets kaantabay ang 6 na puntos mula sa 4 na atake at 2 service aces upang patibayin ang solo 4th spot sa 3-2 kartada. Patuloy na nanguna sa opensiba ng Lady Troopers si Sergeant Jovelyn Gonzaga na humataw ng 15pts mula sa 12 atake at 3 blocks, habang sinuportahan ito ni Audrey Paran sa 8pts at Mary Anne Esguerra sa 6pts.
Nagbalik sa pagmamando si head coach Emilio “KungFu” Reyes sa bench ng Lady Troopers matapos mawala ng dalawang laro para sa koponan, na lubos na inabangan ang pagbabalik sa pagbibigay ng mga instructions para sa koponan.
“Nagbibigay siya (coach) ng instructions, kaya iba pa rin kapag siya ang nagbigay ng instructions, parang nagbibigay ng period, na kailangan gawin ninyo lahat yun, lagyan ng fluidity,” wika ni Perez na nakabawi sa pagkatalo kontra PLDT sa four-set na tinukoy ang ginawang pagtutulungan ng grupo. “Tulong-tulong kase, masasabi ko na gusto ng lahat manalo, gusto lahat mag-perform, lahat ng pinasok sa loob ng court talagang nagbibigay sila ng numbers talaga, dahil nakikita naman sa stats at sa court.” Namemeligro ang Chery Tiggo na malaglag sa 1-4 kartada papuntang semifinals.