top of page
Search
  • BULGAR

Italya at Montenegro wagi sa Day 1 ng PH FIBA

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 26, 2023




Nagpadala ng maagang mensahe ang Italya at binigo ang Angola, 81-67, sa matagumpay na pagbubukas ng 2023 FIBA World Cup sa Philippine Arena kahapon. Humataw ang mga Italyano sa huling quarter upang baligtarin ang dating mahigpit na laban sa unang tatlong quarter.


Hawak ng Italya ang 61-57 lamang matapos ang unang 30 minuto. Binuksan nila ang fourth quarter sa shoot ni Giampaolo Ricci at malakas na dunk ni Gabriele Procida kasabay ng mahigpit na depensa na hindi pinapuntos ng tatlong minuto ang Angola.


Hindi pa tapos si Ricci at uminit muli si Simone Fontecchio upang ihatid ang pandiin na puntos. Ang huling iskor ay siya ring pinakamalaking agwat ng laro. Namuno si Fontecchio na may 19 puntos at sinundan ni Stefano Tonut na may 18 puntos. Nag-ambag ng 12 si Ricci bilang reserba.


Nanguna si Angola si gwardiya Childe Dundao na may 19 puntos mula sa apat na tres habang inabanan ni Bruno Fernando ang mga higante ng Italya at nagtapos na may 13 puntos. Napunta kay forward Jilson Bonga ang karangalan na pinakaunang buslo ng torneo anim na segundo ang lumilipas.


Sunod na haharapin ng Angola ang Gilas sa Agosto 27 sa Araneta Coliseum. Kasabay nito ang tapatan ng Italya at Dominican Republic na maaaring tumukoy kung anong bansa ang magiging numero uno sa Grupo A.


Sa Mall of Asia Arena, ipinamalas ni sentro Nikola Vucevic ang husay sa pagbagsak ng 27 puntos at 10 rebound at ibinaon ng Montenegro ang Mexico, 91-71. Natalo ang Gilas sa parehong bansa sa exhibition nitong linggo.


Samantala, tinambakan ng Australia ang Finland, 98-72, sa pagsipa ng mga laro sa Okinawa Arena sa Japan. Bumanat ng 25 puntos si Patty Mills at sinuportahan ni Josh Giddey na may 14 puntos habang kinapos ang 19 puntos ni Lauri Markkanen.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page