IT support firm, front ng POGO hub, 13 tiklo

by Jeff Tumbado @News | October 30, 2026

Photo: PNP-PRO 10
Arestado ang 13 indibidwal at nasamsam ang tinatayang P12 milyong halaga ng kagamitan sa pagsalakay ng pulisya sa hinihinalang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Iligan City nitong Miyerkules ng gabi.
Ayon kay Police Major Sandrex Panolong, public information officer ng Iligan City Police Office, limang buwang minanmanan ang Armsoft Information Technology Solutions bago sinalakay alas-10:40 ng gabi sa Ali Property Building, Purok 2B, Brgy. Hinaplanon.
Nakakuha ng permit ang establisimyento noong Mayo 2026 bilang technology information service provider, ngunit isang dating empleyado ang nagsumbong na ginagamit umano ito bilang POGO hub.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Ali Ombra Bacaraman ng Regional Trial Court, 12th Judicial Region, Branch 4, katuwang ang Philippine Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at National Bureau of Investigation (NBI).
Kabilang sa mga naaresto ang 11 babae at dalawang lalaki, pawang nasa hustong gulang at karamihan ay mula sa Mindanao.
Nasamsam ang 13 CPU, mga computer monitor, keyboard, mouse, modem, card scanner, gaming table, baraha, kagamitan sa color game at mga recording camera.





Comments