Isyu sa utang sa estate tax ng Marcos, muling binuhay ng bagong BIR Commissioner
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | June 25, 2022
‘PINATAY’ NA NGA NI P-BBM ANG ISYU TUNGKOL SA UTANG NILA SA ESTATE TAX, ‘BINUHAY’ PA NG ITINALAGA NIYANG NEW BIR COMMISSIONER—Si Bureau of Internal Revenue deputy commissioner Lilia Guillermo ang itinalaga ni Pres. elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at na-shock ang publiko sa tapang nito kasi walang takot niyang isinapubliko na bilang pangulo, dapat maging role model si P-BBM sa pagbabayad ng buwis sa gobyerno at dapat bayaran na ng pamilya nito ang utang nilang P23 bilyon sa estate tax.
Hindi man aminin, malamang ay sumasakit na ang ulo ni P-BBM kay Guillermo kasi noong eleksyon ay iniwasan nga naman niyang sagutin ang media tungkol sa utang ng kanilang pamilya sa estate tax, tapos ‘tong itinalaga niyang BIR commissioner, binuhay pa ang isyu, boom!
◘◘◘
HINDI RAMDAM NI BENJAMIN DIOKNO ANG TAAS-PRESYO NG MGA BILIHIN, KRUDO AT BAYARIN KASI P1.8-M ANG SUWELDO NIYA MONTHLY—Ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor at incoming Finance Sec. Benjamin Diokno, walang dapat ipangamba ang publiko kahit bumagsak ang halaga ng peso sa dolyar.
Pambihira, nagtataasan na ang presyo ng mga bilihin, krudo at mga bayarin sa kuryente at tubig dulot ng pagbagsak ng peso sa dolyar, tapos para kay Diokno ay hindi ito dapat pinangangambahan ng mamamayan.
Palibhasa, mahigit P1.8 milyon ang suweldo niya kaya hindi niya ramdam ang paghihirap ng mamamayan, pwe!
◘◘◘
ANO KAYA ANG DAHILAN AT TABLADO KAY P-DUTERTE SI P-BBM?—Noong eleksyon ay inatake ni P-Duterte si P-BBM, sinabihan niya itong ‘weak leader’ at spoiled, bukod d’yan ay hindi rin inindorso ng incumbent president ang kandidatura ni P-BBM kahit tandem ito ng kanyang anak na si VP-elect Sara Duterte, at ang latest ay tinanggihan ng outgoing president ang alok ni P-BBM na gawin siyang anti-drug czar.
Sa mga isyung ‘yan ay pagpapakita na ayaw ni P-Duterte kay P-BBM, kaya’t ang tanong, ano kaya ang dahilan at tablado sa tatay ni Sara ang tandem niyang si P-BBM? Period!





Comments