Iskul Scoop: Heart of a teacher, soul of a fighter… Kuwento ng gurong cancer survivor
- BULGAR
- 38 minutes ago
- 5 min read
ni Jenny Rose Albason @Life & Style | October. 2, 2024

Ngayong Teacher’s Day, hindi lamang natin ipinagdiriwang ang galing sa pagtuturo ng ating mga guro, kundi higit sa lahat ang kanilang mga kuwentong nagbibigay-inspirasyon at lakas ng loob.
Ang pagiging guro ay hindi lamang trabaho, dahil ito ay isang bokasyon na nangangailangan ng malasakit, pasensya, at matibay na pananampalataya sa buhay.
Kaya naman, kilalanin natin ang isa sa mga huwarang guro ng Tugatog National High School (TNHS) na si Mrs. Melanie Cepe Santos, isang Values Education teacher na hindi lang kilala sa kanyang husay sa pagtuturo, dahil kilala rin siya sa kanyang pakikipaglaban sa pagsubok na kanyang nalampasan.
Noon ay hindi talaga pangarap ni Mrs. Santos ang maging isang guro. Masaya na siyang nagbo-volunteer sa orphanage at tumutulong sa mga bata. Ngunit nang matapos niya ang kursong Psychology at kumuha ng education units, unti-unting nabuo ang kanyang landas patungo sa pagtuturo.
Nag-take siya ng masteral sa Early Childhood Education at Special Education. Akala niya’y sa elementary siya mapupunta, pero dahil Guidance ang kanyang major, inilagay siya ng Professional Regulation Commission (PRC) sa Values Education secondary level, at du’n niya natagpuan ang kanyang tunay na kasiyahan. 12 years na niyang niyayakap ang propesyong ito bilang guro at tagapaghubog ng kabataan.
Ayon kay Mrs. Santos, isa sa pinakamalaking hamon na kinakaharap niya ay ang pagbabago ng ugali ng mga kabataan. Aniya, minsan ay nawawala na ang simpleng paggalang na dati’y likas sa mga kabataan. Kaya’t mas nakita niya ang kahalagahan ng Values Education—ang pagtuturo ng respeto, tamang asal, at pagpapakatao, mga bagay na ideally natututunan sa tahanan ngunit ngayon ay kailangan na ring ituro sa paaralan.
Ngunit sa kabila ng kanyang malasakit sa mga estudyante, dumaan siya sa pinakamadilim na yugto ng kanyang buhay. Dalawang taon na ang nakalilipas, at mismong Teacher’s Day rin umano lumabas ang kanyang biopsy result na may malignant na bukol siya sa kanyang dibdib. Una niyang naisip, “Bukas kaya, buhay pa ba ako?” Noon ay breastfeeding pa siya, at inakala ng unang ultrasound na galactocele o namuong gatas lamang ang bukol na ito. Kung maaga lang umano itong naalis, baka hindi na umabot sa cancer.
Ngunit makalipas ang ilang buwan, mabilis itong lumaki at lumabas na siya ay may stage 2 breast cancer na.
Bagama’t may mga public hospital na maaari niyang lapitan, hindi siya nakaramdam ng kapanatagan sa mahabang proseso ng paghihintay. Isa pa, natatakot din siyang umabot pa ito sa stage 4 bago pa tuluyang maagapan. Kaya’t kahit mahirap, nag-loan siya upang magpagamot sa pribadong ospital.
Ang iniisip niya’y hindi lamang ang kanyang sarili kundi ang kanyang dalawang anak. Pinakamahirap para sa kanya ang ideya na iiwan ang mga anak nang napakabata pa. Dumating ang mga panahong halos hindi na siya makangiti at dumanas din ng depresyon.
Gayunpaman, nagpatuloy pa rin siya sa pagtuturo kahit na ramdam niyang naaapektuhan na rin ang kanyang trabaho. Marami ang nagsasabi sa kanya ng “Kaya mo ’yan!” ngunit alam niyang hindi sapat ang mga salitang iyon. Hanggang sa natagpuan niya ang kanyang sandalan—ang mga kapwa survivor.
Sa pakikipag-usap sa kanila, natutunan niyang hindi awtomatikong kamatayan ang cancer. Maraming nakalalampas, kahit stage 4 pa at dito siya humugot ng lakas para lumaban.
Ayon kay Mrs. Santos, malaking biyaya ang maagang diagnosis. Bagama’t dumaan siya sa matitinding gamutan, pinili niyang harapin ito nang may tapang. Nagbago rin ang kanyang pananaw—natutunan niyang pahalagahan ang bawat araw na para bang ito na ang huli.
‘Ika nga niya, “Every day is the last day,” kaya’t sinisiguro niyang puno ng saysay, pagmamahal, at oras para sa pamilya ang bawat sandali.
Marami ang nag-udyok na itigil muna niya ang pagtuturo habang sumasailalim sa chemotherapy. Ngunit para sa kanya, mas manghihina lamang siya kung palagi siyang nasa bahay. Sa halip, pinili niyang manatili sa paaralan dahil ang mga estudyante na rin ang nagsilbi niyang liwanag at dahilan upang patuloy na lumaban. Gayunpaman, lagi umano siyang nag-iingat, nagsusuot ng mask, at lumalayo kapag kinakailangan, pero kahit na ganu’n hindi pa rin niya hinayaang maapektuhan ang kanyang propesyon.
Noong nagsimula nang malagas ang kanyang buhok, napagdesisyunan niya nang magpa-shave at magsuot ng turban. Inakala niyang pagtatawanan o kakaiba ang magiging reaksyon ng mga estudyante, ngunit sa halip, nakita niya ang malasakit at pagtanggap ng mga ito. Sa simpleng mga kilos, naramdaman niyang hindi siya nag-iisa.
Mula sa karanasang ito, natutunan niya ang pinakamahalagang aral—ang mahalin ang buhay at ‘wag itong aksayahin. Mahal niya ang kanyang trabaho, ngunit higit pa roon, mahal niya ang kanyang mga estudyante, dahil para sa kanya, hindi sapat ang pagiging mahusay sa pagtuturo ng asignatura. Ang tunay na guro ay marunong magmahal at umunawa, dahil iyon ang mas tatatak sa isipan ng mga bata.
Bilang Values at Guidance teacher, handa siyang magbigay mula sa sariling bulsa—maging pagkain man o kaunting tulong, lalo na sa mga estudyanteng kapos. Ngunit higit sa materyal na bagay, mahalaga para sa kanya ang pakikinig at pagbibigay-oras sa mga estudyante.
Sa kanyang pananaw, normal lamang ang makaramdam ng lungkot at panghinaan ng loob kapag may pinagdadaanan. Aniya, “Kung nalulungkot ka, okey lang ‘yan, iiyak mo lang dahil valid ang nararamdaman mo.” Subalit, mahalagang matuto tayong bumangon pagkatapos.
“Okey na, tama na, naiyak ko na,” dagdag pa ni Mrs. Santos. At pagkatapos ay pabiro pa niyang sinabi, “Disney princess ka na ulit.” Paalala na kahit sa gitna ng sakit at hirap, may puwang pa rin para ngumiti at magpatuloy.
Bilang cancer survivor, simple ang kanyang mensahe—manatiling positibo. Darating at darating tayong lahat sa dulo, ngunit habang may buhay, dapat punuin ito ng pag-asa at mabuting kaisipan.
Dagdag pa niya, ang pagtuturo ay hindi trabaho lamang kundi isang misyon. Hindi ito madali, puno ng sakripisyo, at madalas hindi nasusuklian ng sapat. Ngunit ang gantimpalang tunay na mahalaga ay makita ang mga estudyanteng natututo, nagtatagumpay, at nagiging mabuting tao.
Sa huli, nagbigay ng mensahe si Mrs. Santos sa mga nais maging guro balang-araw: huwag lang maging mahusay sa pagtuturo ng paksa, kundi maging huwaran at inspirasyon sa buhay. Dahil ang tunay na pamana ng guro ay hindi lamang kaalaman, kundi ang pusong marunong magmahal at magbigay ng pag-asa.
Sa bawat guro na gaya ni Mrs. Melanie Cepe Santos, na patuloy na lumalaban hindi lamang para sa kanyang sarili kundi lalo na para sa kanyang mga estudyante, malinaw ang isang bagay—ang pagtuturo ay higit pa sa propesyon, ito ay isang tawag ng puso.
Sa kabila ng mga sakit, hamon, at pagsubok, nananatili siyang matatag na paalala na ang tunay na guro ay hindi lang nagtuturo ng aralin, kundi nagbibigay-pag-asa, inspirasyon, at liwanag din sa gitna ng dilim.
Ngayong Teacher’s Day, ipinaaalala sa atin ni Mrs. Santos na ang pinakamahalagang aral ay hindi nakikita sa libro, kundi sa kung paano natin pinapahalagahan ang buhay at ang bawat taong nakakasama natin sa ating paglalakbay.
Ang kanyang kuwento ay patunay na kahit sa gitna ng unos, may guro pa ring handang magsilbing gabay—at iyon ang pinakamagandang pamana na maiiwan niya sa kanyang mga estudyante at sa mundo.
So, kung gusto n'yong maging bahagi rin ng Iskul Scoop at meron kayong mga kuwento, inspiring stories o events na gusto n'yong i-share sa mga ganap sa inyong campus, mag-email lang sa iskulscoop@gmail.com para mailathala sa aming pahayagan.
Comments