Iskul na ‘nandaya’ sa voucher program, lagot!
ni Ryan Sison @Boses | Marso 23, 2024
Nagsimula nang ibalik o ang pag-refund ng subsidiya ng gobyerno na ibinibigay sa mga paaralan, sa kabila na may ilan sa kanila ang napaulat na iregularidad sa implementasyon ng pinalawak na Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (E-GASTPE).
Ayon kay Department of Education (DepEd) Spokesperson Undersecretary Michael Poa, siguradong may refund, sinadya man ito o hindi sinadya ay kailangang ma-refund, at may mga iskul na nagre-refund na ng ilang mga bayad na ginawa sa kanila.
Ito ay matapos na iulat ng Commission on Audit (COA) 2016 at 2018 na may ilang “ghost students” o undocumented students ang nag-avail ng programa ng gobyerno.
Ang GASTPE ay naglalayong tugunan ang pagsisikip o congestion sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng pagbibigay ng subsidies sa mga mahihirap na mag-aaral na lumipat sa mga private school.
Gayunman, isiniwalat sa pagdinig ng Senado na humigit-kumulang 19,000 “ghost students” umano ang nakinabang sa naturang programa.
Batay sa COA, ito ay mga mag-aaral na nag-enroll ngunit, hindi natuloy sa pag-aaral, at iyong mga nabigyan ng subsidiya ng dalawang beses, sa parehong paaralan o magkahiwalay na eskwelahan.
Sinabi ni Poa na may naghihintay namang mga parusa o sanctions sa mga pribadong paaralan na napatunayang ‘dinaya’ ang gobyerno.
Aniya, isa siyempre ay pagsuspinde ng kanilang lisensya. Maaari rin nilang bawiin o i-revoke ang kanilang permit o ang kanilang recognition, at hindi nawawala ang mga legal remedies ng kagawaran laban sa kanila kung sakali mang intensyonal ang pag-defraud sa gobyerno.
Pahayag pa niya, patuloy na iniimbestigahan ng DepEd ang naturang mga iregularidad na nagsimula bago pa ang termino ni Vice President at DepEd Sec. Sara Duterte.
Nagtatag na rin ang kagawaran ng hiwalay na tanggapan, ang Government Assistance Subsidies Office (GASO), para partikular na i-monitor ang pagpapatupad ng subsidy program.
Paliwanag ng opisyal, ang opisinang ito ang sumusuri sa billings, kung may discrepancies ay hindi na nila binabayaran muna hanggang sa maipaliwanag ng pribadong paaralan kung bakit may ganoong discrepancies.
Inatasan na rin ni VP Sara ang mga regional office ng DepEd na regular na bisitahin ang mga pribadong paaralan upang matiyak ang tamang pagsunod sa programa.
Gayundin, ilalabas na ng DepEd ang mga revised guidelines sa implementasyon ng voucher program.
Mabuti ang naging desisyon ng ahensya na ibigay pa rin ang subsidiya ng gobyerno na nakalaan para sa kanila.
Bahagi na rin kasi ito ng kanilang mga programa para sa mahihirap nating mga estudyante.
Ang masaklap lang ay kung bakit na may nakalusot na ilang pribadong paaralan at nagawa ang tila panloloko na gaya nito.
Sabagay, may kaakibat nang parusa sa kanila kung mapatunayan nga ang kanilang paglabag. Paalala natin sa mga pamunuan nito na maging tapat sana kayo sa pamamahala, at isipin lagi na makatulong para sa edukasyon ng mga kabataan sa halip na basta kumita at maibalik agad ang naging gastos sa inyong eskwelahan. Hindi ba’t bago rin itinayo ang inyong iskul ay mayroon kayong vision at mission para rito? Kaya tama lang na isagawa ito nang maayos.
Sa kinauukulan, sana ay maresolbahan na agad ang usapin para hindi na ito maulit pa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments