Iskolar sa mga “poor but deserving” students na makapag-aral ng medisina, sobrang oks!

Updated: Jan 9, 2021
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | January 7, 2021
Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang panukalang-batas na naglalayong tulungan ang mga “poor but deserving” na estudyanteng Pinoy na makapag-aral ng medisina.
Natanggap na ng Senado mula sa Malacañang ang pirmadong kopya Republic Act 11509 o ang “Doktor Para sa Bayan Act.”
Magtatakda ang batas na ito ng medical scholarship at return service program sa mga public school at partner private institutions.
Bilang co-author, natutuwa tayong naisabatas na ang Doktor Para sa Bayan Act, na nakikita nating magiging malaki ang papel sa pagtamo ng ideal na bilang ng doktor sa bansa.
☻☻☻
Ayon sa datos ng World Health Organization, mayroong anim (6) medical doctors per 10,000 population ang bansa noong 2017, na mas mababa sa recommended ratio na 10 doctors per 10,000 population.
Mas mababa rin ito sa iba pang bansa sa ASEAN, tulad ng Vietnam (8 per 10,000), Thailand (8 per 10,000), at Timor Leste (8 per 10,000).
Ayon naman sa 2015 Census of Population, mayroong halos kalahating milyong (488,800) health professionals sa bansa, isa sa bawat 9 health professionals (12 percent) ang bilang ng doktor.
☻☻☻
Ang pinaka-dehado sa kaunting bilang ng mga doktor sa bansa ay ang mga geographically isolated and disadvantaged areas (GIDA), o ‘yung mga pamayanang nasa laylayan at hindi naaabutan ng serbisyo ng pamahalaan.
Isa sa mga mahalagang aspeto ng RA 11509 ay ang pagbigay-prayoridad sa mga estudyante mula sa state universities and colleges sa buong bansa o sa mga private higher education institutions sa mga rehiyon na walang SUC na nag-o-offer ng medical degree.
Magiging top priority ang mga estudyante mula sa mga bayang walang government physician para makamit ang layuning magkaroon ng kahit isang doktor sa bawat munisipalidad ng bansa.
Kaugnay nito, inaatasan din ang Commission on Higher Education na palakasin ang partnership sa pagitan ng mga SUC at DOH hospitals upang madagdagan ang bilang ng public medical schools sa bansa.
Sakop ng scholarship grant ang tuition and other school fees, board and lodging, transportation, at iba pang miscellaneous expenses. Ang mga bayarin sa internship, medical board review, at licensure fees ay covered din ng scholarship.
Ang return of service agreement naman ay ibabase sa bilang ng taon na nakinabang ang estudyante sa scholarship grant.
☻☻☻
Hindi pa tapos ang laban para paramihin ang bilang ng doktor na maglilingkod sa ating mga kababayan. Mahalagang matutukan pa rin natin ang batas na ito nang masigurong mapopondohan at magagamit nang tama ang pondo.
Gayunman, isa itong magandang simula sa bagong taon.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments