Isko, Pacman, Ping at Leody, ‘wag nang umasa na maging pangulo, BBM vs. Leni lang ‘yan
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | April 8, 2022
VP LENI VS. BBM LANG SA PRESIDENTIAL ELECTION — Kung may katotohanan man ang inilabas na resulta ng survey ng Pulse Asia, ay talagang sina Vice Pres. Leni Robredo at former Sen. Bongbong Marcos lang ang maglalaban nang husto sa presidential election.
Napanatili kasi ni BBM ang kanyang mataas na rating, pero tumaas at humahabol si VP Leni, pero sina presidential candidates, Mayor Isko Moreno, Sen. Manny Pacquiao, Sen. Ping Lacson at Leody de Guzman ay lalo pang bumagsak ang rating.
Dahil d’yan, huwag nang asahan nina Isko, Pacman, Ping at Leody na isa sa kanila ang maging presidente ng Pilipinas, period!
◘◘◘
PARA HINDI MABATIKOS, DAPAT HUWAG KUNING ABOGADO NI BBM ANG PLUNDERER NA SI ENRILE — Inirekomenda ni former Sen. Juan Ponce Enrile ang kanyang sarili na maging abogado ni Bongbong sa kinakaharap na P203 bilyon utang sa estate tax.
Naku, kapag pumayag si BBM na maging abogado si Enrile ay baka makatikim na naman siya ng batikos mula sa publiko, kasi mantakin n’yo, sa dinami-dami ng puwede nilang kuning abogado, ay abogadong plunderer pa magtatanggol sa kaso nilang estate tax, boom!
◘◘◘
BIGO SI P-DUTERTE NA MAPA-STOP ANG OPERASYON NG ABS-CBN — Nakipagsanib-puwersa na ang ABS-CBN sa GMA Network para maipalabas sa Kapuso network ang mga pelikula ng Star Cinema na nasa ilalim ng pamamahala ng Kapamilya network.
Pagpapatunay ‘yan na bigo si P-Duterte sa hangarin niyang mapa-stop ang operasyon ng ABS-CBN kasi pagpapakita ito na ang pakikipagsanib-puwersa nito sa GMA network ay indikasyon na sa June 30, 2022 ay mawawala na siya (P-Duterte) sa Malacañang, pero ang Kapamilya network, kahit walang prangkisa ay nakapag-o-operate pa rin, period!
◘◘◘
SINUMANG NAMIMILI NG BOTO WALANG GAGAWING MATINO KAPAG NALUKLOK SA PODER — Sinampahan ng kasong vote buying ng dalawang progresibong organisasyon si Pharmally Executive Rose Nono Lin, kandidato sa pagka-kongresista sa 5th District ng Quezon City dahil umano sa pagbibigay ng tig-P500 bilang “pang-scholarship” sa mga botante sa kanyang Distrito.
Kung totoo ito, dapat ibasura ng mga taga-District 5 ng QC si Rose Nono Lin, kasi ang sinumang namimili ng boto, ay siguradong walang gagawing matino kapag naluklok sa poder, boom!





Comments