Iskandalo sa EDSA busway, huwag na sanang maulit
- BULGAR
- Nov 20, 2023
- 4 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | November 20, 2023
Ilang araw na ang nagdaan simula nang makaladkad ang ating pangalan sa walang kakuwenta-kuwentang iskandalo na ang layunin lang naman ay makalusot sa traffic violation ngunit dahil sa halal tayong opisyal ay tila sunog na naglagablab ang balita.
Kung tutuusin ay wala namang ibang grabeng naapektuhan sa pangyayaring ito kung hindi ako na nananahimik at nakatutok sa ating trabaho bilang senador dahil panahon nga ng budget hearing at sinisikap itong matapos bago magwakas ang taon.
Kaya lang, may umiiral ngang kasabihan na kung bubuwenasin o mamalasin ka, kahit natutulog ka ay mangyayari. At may isa pang kasabihan na lahat ng bagay na nangyayari sa mundo ay may dahilan at positibong patutunguhan.
Inaamin ko na labis akong nainis nang gisingin ako nang maagang-maaga ng aking staff sa pamamagitan ng tawag sa telepono para sabihin lang na pinuputakte na ang ako sa social media, radio at telebisyon dahil nga sa nahuli raw akong dumaan sa EDSA carousel busway.
Sino ba naman ang hindi magagalit na isang senador na tulad ko pa ang pasimuno ng pasaway na dapat ay nangunguna sa pagsunod sa mga umiiral na batas. Mabuti na lamang at ito ay FAKE NEWS.
Ang masakit lang, nagising ‘yung mga regular nating basher na mula sa grupo ng mga trolls na kalaban natin sa pulitika at nagkaroon sila ng materyales para banatan na naman ako — hanggang ngayon ay pinalalabas pa nilang ako pa ang mali sa nangyaring ito.
Napakadali naman kasing baligtarin ng mga pangyayari lalo na sa social media na kayang iliko ang mga datalye tulad ng nangyaring suspensyon kay Metro Manila Development Authority (MMDA) Task Force Special Operations Unit Head Col. Bong Nebrija.
Nais kong linawin na hindi ako ang nagsuspinde kay Nebrija at hindi ko rin hiniling na suspendihin siya dahil sa kanyang pagmamalabis sa kanyang trabaho.
Ang nais ko lang ng mga panahong iyon ay ipaliwanag ng MMDA sa tao na hindi ako ang nahuling dumaan sa EDSA busway dahil nag-aalala rin ako sa sasabihin ng aking asawa na baka pagdudahan akong umaalis ng madaling-araw at kung saan-saan ako nagpupunta.
Mabuti na lamang at magkatabi kaming matulog kaya hindi ko na kinailangang magpaliwanag.
Kumbaga, kaladkad na ako sa publiko, kaladkad pa ako hindi lang sa pamilya ko, pati malalapit kong kaibigan ay nagtatawagan at lahat nanghihingi ng update. Ganyan katindi ang naging epekto ng napakasimpleng problema na hindi sana nangyari kung agad inaresto ng MMDA ‘yung mga impostor na nagpakilalang lulan daw ako ng minamaneho nilang sasakyan.
Ang masakit pa, nadamay na tayo, pero parang kontrabida pa tayo sa ilan nating kababayan, dahil sa senador daw ako kaya nasuspinde si Nebrija na ngayon ay kinakaawaan pa ng ilang hindi nakakaintindi na wala naman tayong kinalaman.
Ang totoo, matapos pumutok ang balita ay tumawag sa akin si MMDA Chairman Don Artes at nagtungo sa Senado kasama ang kanyang tauhan na si Nebrija kinahapunan at humingi ng pasensya sa kanilang pagkukulang sa harap mismo ng media.
Ang hirap lang, itong si Nebrija sa kabila ng paghingi ng paumanhin ay iba naman ang inaasta sa social media. Bahala na siya. Alam niya ang totoo!
Ang katunayan ay marami ang nagsasabi sa akin na panahon ngayon ng budget deliberation at tapyasin ko raw ang budget ng MMDA, pero hindi ako nakinig dahil sa hindi kailangang magdusa ang buong ahensya dahil lang sa pagkakamali ng iilan.
Pursigido pa rin tayo na lalo pang palakasin ang MMDA upang hindi na mangyari pa ang mga tulad nito sa mga susunod na panahon at may isang makakaladkad ang pangalan sa pang-aabuso kahit wala namang katotohanan.
Pero sa huli, kahit masyado tayong naagrabyado sa iskandalong ito ay hindi ko na tinitingnan ang masamang epekto nito dahil nagbunga naman nang mabuti ang lahat dahil natuklasan natin na mayroon palang namimili kung sino lang ang dapat hulihin, na imbes automatic na tiketan ay itatawag pa sa kanya.
Ito ang pinakamalaking leksyon, na kahit iniisip niyang siya ang may kapangyarihan, hindi tamang ganu’n at dapat na ipatupad ang batas nang pantay-pantay.
Pangalawa ay nakatulong tayo para mapalakas ang kampanya ng MMDA na huwag dumaan ang mga hindi awtorisadong sasakyan sa EDSA busway at dapat pantay-pantay talaga ang pagtrato sa lahat ng motorista, kahit opisyal kapag hindi awtorisado ay dapat tiketan.
Ganyan din naman ang pagtrato ni Artes sa kanyang mga tauhan kaya nga niya isinuspinde si Nebrija, hindi dahil sa kumalat na fake news kung hindi dahil sa may pinapalusot pala itong mga government official dahil sa pakikisama at ngayon lang nadiskubre.
Ngayong sumuko na ang dalawang salarin ay maliwanag na ang lahat, tama lang na pagmultahin sila ng MMDA sa nagawa nilang paglabag.
Hinggil sa tanong na kung sasampahan ko ba ng kaso ang dalawang driver na gumamit ng pangalan ko -- bahala na kung ano ang makabubuti sa lahat!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com








Comments