Isinilang na ‘di kasal ang mga magulang, gustong maging legitimate
- BULGAR
- 1 day ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 26, 2025

Dear Chief Acosta,
Maaari ba ako magpa-legitimation? Noong ipinanganak ako ay hindi kasal ang mga magulang ko, ngunit nagpakasal sila noong ako ay 10 taong gulang na. Kaya pala hindi nagpakasal ang mga magulang ko bago ako ipinanganak ay dahil mayroong naunang asawa na ang tatay ko. Ngunit taong 2006 ay namatay ang kanyang unang asawa, kung kaya’t nakapagpakasal na sila ng nanay ko noong 2008. Sana ay malinawan ninyo ako.
— Rosalyn
Dear Rosalyn,
Ang legitimation ay isang legal na proseso kung saan ang isang anak na isinilang na hindi lehitimo ay maiaangat sa antas na lehitimo. Nakasaad sa Artikulo 179 ng Executive Order No. 209, o mas kilala bilang “Family Code of the Philippines”:
“Art. 179. Legitimated children shall enjoy the same rights as legitimate children.”
Sa pangkalahatan, ang legitimation ay legal na resulta ng pagpapakasal ng mga magulang ng isang anak na hindi lehitimo matapos na siya ay maipanganak na. Subalit nais naming bigyang-diin na hindi lamang ang naturang pagpapakasal ang kinakailangan. Dapat ay wala ring balakid sa pagitan ng mga nasabing magulang upang sila ay magpakasal sa isa’t isa o kung mayroon man, ito ay sa kadahilanan na sila ay wala pa sa hustong gulang noong panahon na ipinagbuntis at ipinanganak ang kanilang anak. Para sa mas detalyadong impormasyon, malinaw na nakasaad sa Republic Act No. (R.A.) No. 9858, ang batas na nag-amyenda sa Artikulo 177 at 178 ng Executive Order No. 209, o mas kilala bilang “Family Code of the Philippines”:
“Section 1. Article 177 of Executive Order No. 209, otherwise known as the "Family Code of the Philippines", as amended, is hereby further amended to read as follows:
Art. 177. Children conceived and born outside of the wedlock of parents who, at the time of conception of the former, were not disqualified by any impediment to marry each other, or were so disqualified only because either or both of them were below eighteen (18) years of age, may be legitimated.
Art. 178. Legitimation shall take place by a subsequent valid marriage between parents. The annulment of a voidable marriage shall not affect the legitimation.”
Sa sitwasyon na nabanggit mo, ikinalulungkot naming ipaalam na hindi ka maaaring magpa-legitimation sapagkat kasal ang iyong ama sa kanyang unang asawa noong panahon na ikaw ay ipinagbuntis at ipinanganak ng iyong ina na ikalawang asawa ng iyong ama. Ang balakid na iyon sa pagpapakasal ng iyong mga magulang ang siya ring balakid upang ikaw ay magpa-legitimation alinsunod sa panuntunang nakasaad sa R.A. No. 9858.
Gayon pa man, hindi ka man kuwalipikado upang magpa-legitimation, mayroon ka pa ring mga karapatan, bilang isang hindi lehitimong anak, na ipinagkakaloob sa ilalim ng ating batas, partikular na sa ilalim ng Republic Act (R.A) No. 9255 o mas kilala sa tawag na “An Act Allowing Illegitimate Children to Use the Surname of Their Father’ at ng ating Family Code, na maaari mong isaalang-alang at igiit kung kinakailangan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.