top of page

Isang sugod na lang ng Generals, korona na

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 26, 2023
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | September 26, 2023


ree

Laro ngayong Biyernes –Jun Duenas Gym

6:30 p.m. Taguig vs. Kapampangan


Isang tagumpay na lang ang kailangan ng rumaragasang Taguig Generals upang maiuwi ang 2023 National Basketball League (NBL-Pilipinas) President’s Cup. Dinurog ng bumibisitang Generals ang KBA Luid Kapampangan, 108-90, Linggo ng gabi sa Colegio de Sebastian Gym sa San Fernando City para sa 2-0 bentahe sa seryeng best-of-five.


Nagbagsak ng walong puntos sa first quarter si Dan Anthony Natividad na bumura sa maagang 3-0 lamang ng Kapampangan. Tumulong din sina Jonathan Lontoc at kapitan Kevin Oliveria upang maitayo ang 25-21 talaan papasok sa second quarter.


Bumanat ng siyam na sunod-sunod na puntos ang Generals na tinuldukan ng three-points ni Lerry John Mayo upang maabot ang kanilang pinakamalaking lamang, 98-67, at 8:27 ang nalalabi sa laro. Kinulang lang ang huling paghabol ng KBA Luid na pinamunuan ni Cyruz Antiza na gumawa ng 8 puntos matapos walang naambag sa unang tatlong quarter.


Nagtala ng kabuuang 20 puntos si Natividad at bumawi mula sa kanyang 8 puntos lang sa Game 1 noong Setyembre 22 na pinagwagian ng Taguig, 92-74. Limang iba pang kakampi ang nagsumite ng 10 o higit na puntos para sa balanseng atake sa pangunguna nina Lontoc na may 18 at Oliveria na may 14 na kanyang pinakamataas na marka ngayong torneo.


Nanguna sa Kapampangan si Marc Jhasper Manalang na may 25 puntos subalit nawala ang kanyang opensa sa 4th quarter. Gumawa lang ng 15 puntos si Lhancer Khan habang 14 si Miko Rainster Santos.


Nakatakda ang Game 3 ngayong Biyernes sa Jun Duenas Gym. Umaasa ang Generals na ang paglalaro sa sariling tahanan ang tutulong upang masundan ang tropeo sa huling Chairman’s Cup noong nakaraang Enero.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page