Isang kumpas lang ni P-BBM, pondo ng SSS, GSIS, PhilHealth at Pag-IBIG, pasok agad sa maharlika
- BULGAR
- Jun 9, 2023
- 2 min read
investment fund.
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | June 09, 2023
KAPAG ANG P500-B MAHARLIKA INVESTMENT FUND AY NAKURAKOT, TIYAK TATALUNIN NI RISA HONTIVEROS ANG ‘MANOK’ NI P-BBM SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTIONS -- Kapag ang P500 billion Maharlika Investment Fund (MIF) ay nakurakot tiyak na magagalit sa Marcos administration ang mayoryang mamamayan, at dahil d'yan ay malaki ang tsansa ni Sen. Risa Hontiveros na manalong presidente kung kakandidato siya sa 2028 presidential elections.
Sa mga senador kasi, kay Sen. Risa lang natuwa ang milyun-milyong mga miyembro ng SSS, GSIS, PhilHealth at Pag-IBIG Fund dahil nag-iisa lang siya sa nagpakita ng pagmamalasakit sa pera ng bayan nang bumoto siya ng "no" sa panukalang batas na Maharlika Investment Fund, kaya nga kung sakaling makurakot ang investment fund, asahan nang talo ang "mamanuking" presidential bet ni President Bongbong Marcos sa 2028 presidential elections, period!
XXX
TAGILID ANG PERA NG BAYAN SA MAHARLIKA INVESTMENT FUND KASI SA UNA PA LANG NILOLOKO NA NG MALACAÑANG, MGA SEN. AT CONG. ANG MAMAMAYAN -- Sa totoo lang, mahirap ipagkatiwala sa Marcos administration ang P500-B Maharlika Investment Fund kasi sa una pa lang ay niloloko na ng Malacañang at mga kasabwat nilang mga senador at kongresista ang mamamayan patungkol sa investment fund na ito.
Nu’ng una kasi, sabi ng Malacañang, ng majority senators at congressmen ay hindi gagamiting pangpondo sa Maharlika Investment Fund ang pension funds ng mga SSS at GSIS members, health care funds ng mga PhilHealth members at housing funds ng mga Pag-IBIG members, pero nang aprubahan na ng Senado at Kamara ang panukalang batas patungkol sa P500-B investment funds, ay binawi na nila ang una nilang sinabi, na kesyo puwede raw ipasok dito (Maharlika Investment Fund) ang pondo ng SSS, GSIS, PhilHealth at Pag-IBIG Fund kapag ginusto ng mga board of directors ng mga nabanggit na GOCC (Government-Owned Controlled Corporation), boom!
XXX
MGA APPOINTEE NI P-BBM ANG MGA OPISYAL NG GOCCs KAYA SA ISANG KUMPAS LANG NIYA MAPUPUNTA NA SA MAHARLIKA INVESTMENT FUND ANG PONDO NG SSS, GSIS, PHILHEALTH AT PAG-IBIG FUND -- Ang mga opisyal ng SSS, GSIS, PhilHealth at Pag-IBIG Funds ay mga appointee ni P-BBM.
Ibig sabihin, sa isang kumpas lang ni P-BBM, tiyak i-invest o "isusugal" na sa Maharlika Investment Fund ng mga GOCC officials ang pension funds ng mga SSS at GSIS members, health care funds ng mga PhilHealth members at housing funds ng Pag-IBIG members, abangan!
XXX
SA MGA PROBISYONG NASA MAHARLIKA INVESTMENT FUND, TALO ANG MAMAMAYAN, PABOR NAMAN SA MGA KURAKOT -- Sa mga probisyong nakapaloob sa Maharlika Investment Fund ay talung-talo ang mamamayan at pabor naman sa mga kurakot.
Nakasaad kasi sa probisyon na kapag naglahong parang bula, nakurakot o nalugi ang P500-B investment fund, ang mananagot magbayad nito ay ang mamamayan, na ang ipambabayad ay kukunin sa dagdag-tax na ipapataw sa publiko, at ‘yung mga nangurakot ay sobrang tagal bago sampahan ng kasong plunder, 10 to 20 years, buset!





Comments