top of page

Isama pa lahat ng trophies, pang-museum na! VILMA, 15 NA ANG AWARDS SA FAMAS

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 7 hours ago
  • 4 min read

ni Ambet Nabus @Let's See | August 24, 2025



Vilma Santos-Recto at Nadine Lustre - IG

Photo: Vilma Santos-Recto at Nadine Lustre - IG



Sa bonggang speech ni Star for All Seasons Vilma Santos, grabe ang pasasalamat niya sa FAMAS na nagkaloob sa kanya ng napakaraming mga karangalan through the years.


Una siyang naging Best Child Performer dito noong 1963 para sa Trudis Liit hanggang sa first Best Actress niya in 1972, may kabuuang 15 (yes, 15) FAMAS recognition at parangal na ang ibinigay sa kanya ng oldest award-giving body ng bansa.


Lima bilang Best Actress na nagluklok sa kanya sa Hall of Fame, 4 as Circle of Excellence Award, may Lifetime Achievement Award, FAMAS Presidential Award, Exemplary Achievement Award, Best Producer at Best Picture 1978 (Pagputi ng Uwak, Pag-itim ng Tagak) noong aktibo pa ang kanyang VS Films (Vilma Santos Films outfit).


Nakakaloka namang tunay kung bibilangin talaga natin sa dami. Hahaha!

Basta noong huling naglista kami, mga Ka-BULGAR at kapwa-Vilmates, sa showbiz pa lang ay umabot na sa mahigit isandaan (100 plus) na acting, box-office at honorary awards ang nakuha niya mula sa FAMAS, URIAN, FAP (LUNA), CMMA, PMPC STAR Awards, Metro Manila Film Festival (MMFF), Manila International Film Festival (MIFF), Quezon City Festival, Guillermo Mendoza Box-Office Awards, EDDYs, Golden Screen Awards, Young Critics, ilang international festivals abroad at iba pang mga minor award-giving groups for TV and multimedia societies, galing sa academic institutions at mga critics groups. Whewww!


Kung isasali pa natin ang mga awards niya from Malacañang, civic society at iba pa for her government service since naging mayor, governor at congresswoman siya, naku po, dapat na talagang ilagay sa museum sa dami. Hahahaha!


Anyway, here’s congratulating again Ate Vi at ang Mentorque Productions na sa aming palagay ay muling magko-collab for another exciting movie event in the near future, lalo pa nga’t super active si Ate Vi sa pagtulong sa pagpo-promote sa kanyang adbokasiya sa film industry at mga workers dito gaya ng pagtulong niya sa AKTOR, Mowelfund, Film Academy at iba pang sangay para sa mga manggagawa ng industriya, kasama na ang mga organisasyon sa entertainment media.



Juday, humakot ng special awards… 

VICE AT ARJO, TIE NA BEST ACTOR, MARIAN BEST ACTRESS SA 73RD FAMAS


Sa katatapos lang na 73rd FAMAS Awards rites, nagwagi sa major categories sina Vice Ganda at Arjo Atayde (tie) as Best Actor, Marian Rivera (Best Actress), Jeric Raval (Supporting Actor) at Nadine Lustre (Supporting Actress).


Nakuha naman ng Alipato at Muog (AAM) movie ang Best Picture at Director (JL Burgos) awards, habang Best Screenplay ang Green Bones (GB)


Tatlo pang awards ang nakuha ng Mamay movie bukod sa acting award ni Jeric Raval, namely: Production Design, Cinematography at Musical Score. 

Nakuha ng Topakk movie ang Best Sound award.


Big winner din ang Uninvited dahil nakuha nito ang Supporting Actress for Nadine, ang Best Original Song, Producer of the Year for Mentorque at ang Circle of Excellence Award for Vilma Santos.


Maraming mga special awards na ipinagkaloob lalo na kay Judy Ann Santos na tumanggap ng Nora Aunor Superstar award at isa sa mga Child Icon awardees kasama nina Ice Seguerra, Gladys Reyes, Niño Muhlach, Ian Veneracion at Matet de Leon. 


Kay Juday din ipinagkaloob ang Star of the Night, kaya nag-conclude na talaga ang mga nasa Manila Hotel na hindi nito makukuha ang Best Actress. 


Sey nga ng katabi namin, “Naku, binigyan na ng marami para ‘wag nang umasa sa Best Actress.”


Ang mga babies naming sina Atasha at Andres Muhlach naman ang nabigyan ng German Moreno Youth Achievement award, habang ang PEP ang ginawaran ng Dr. Jose Perez Memorial Award for Journalism.


Nakakatuwang may FPJ Bida at Kontrabida award na ibinigay respectively kina Manny Pacquiao at Dindo Arroyo.


Si Lorna Tolentino naman ang nabigyan ng Susan Roces Celebrity award habang Bida sa Takilya award naman si Kathryn Bernardo.


May iba pang nakakatuwang ‘special award’ na ipinagkaloob pero hindi na namin matandaan. Hahaha!


Congratulations sa lahat ng winners!



SAGLIT naman naming nakabatian si Meme Vice Ganda dahil magkakatabi nga sila sa table kasama sina Ate Vi, Direk Dan Villegas, Direk Jun Lana, friend Perci Intalan, Nadine Lustre, at Bryan Diamante.


Mula kasi sa pagsundo namin kay Ate Vi sa hotel room nila kasama ang tropa nina kapatid Pipo at Lyn (Cruz), umaatikabong tsismisan na ng mga kung sinu-sino ang nasa loob ng Fiesta Pavilion ng Manila Hotel ang usapan namin. Hahaha!


Kaya nang ihatid namin sina Ate Vi sa table kung nasaan din sina Vice, talagang nagmistulang reunion uli ang ganap.


Maaliwalas ang awra ni Meme at bago pa man siya tinanghal na Best Actor, masigla itong nakipagtsismisan kina Ate Vi and the rest sa table nila (nasa bandang likod lang kami malapit naman sa table nina Marian Rivera).


Naririnig pa namin ang tsikahan nilang tatlo nina Ate Vi at Nadine, na ‘tunay na Barbie doll’ kung tawagin nila sa huntahan.


Bago pa man natapos ang ceremony ay sumabay na kaming lumabas kina Ate Vi dahil hindi nga namin mahindian ang imbitasyon ng kaibigang Joey Lina (Manila Hotel President) para sa madaliang coffee chat sa lobby.


Sandali pa lang kaming nakakaupo nang magkagulo na ang mga tao sa lobby dahil papalabas na pala si Meme Vice.


Napadaan ito sa amin at nang tawagin ng kanyang assistant ang name namin, huminto ito mereseng pinagkakaguluhan siya ng iba. Nilapitan namin siya at nakipag-beso uli, sabay pa-picture at sinabi nito sa amin, “Uy, mag-iskedyul din tayo. Usap din tayo soon.”


“Sure, sige, iskedyul natin ‘yan, Meme,” ganting tugon ko naman sabay pag-congratulate uli sa kanyang panalo.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page