top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Isabay sa kasagsagan ng SIM registration… Ayusin ang PNP-ACG para maging epektibo sa cybercrime

  • BULGAR
  • Dec 28, 2022
  • 4 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | December 28, 2022


Tahasang inamin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at ng Philippine National Police (PNP) na hanggang ngayon ay hirap pa rin silang mahuli agad ang nasa likod ng talamak na text scam na nambibiktima sa bansa.


Dahil dito, mas lalo pang naging masigasig ang mga scammer na magpadala ng mga mensahe na nag-aalok ng trabaho na may malaking suweldo o kaya’y sasabihin na nanalo sa raffle para lamang makuha ang detalye ng bibiktimahin.


Aminado ang PNP na mas lumakas pa ang loob ng mga scammer dahil sa pagkakantala ng pagpapatupad ng sim card registration dahil sinasamantala umano ng mga scammer ang pagkakataon hangga’t hindi pa ito naipatutupad.


Alam ng mga scammer na hirap ang PNP-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) na mabilisang i-trace ang mga scammer dahil hanggang ngayon ay lantaran pa rin ang bentahan ng sim card sa napakamurang halaga.


Napakataas din ng kaso ng identity theft na ginagamit naman ng mga salarin na gumagamit ng pekeng account at hindi talaga ito maresolba ng PNP-ACG dahil maging sila’y kulang sa pag-iimbestiga at tamang kaalaman, kaya madalas sa piskalya pa lamang ay hindi na lumulusot ang isinasampa nilang kaso dahil sa usaping teknikal.


Tulad na lamang ng naging karanasan ng isa nating kababayan na biktima ng identity theft na si Timikko Santos ng Cainta, Rizal nang malaman niyang mayroon siyang pekeng account ay agad siyang nagtungo sa ACG-Rizal noong Nobyembre 8 para magpa-blotter at nagsumite ng affidavit of denial.


Nobyembre 10, isang opisyal ng Special Action Force (SAF) na si John Paul Pitahin nagreklamo sa PNP-ACG dahil na-scam umano siya ng fake online seller sa pagbili ng alahas, kaya agad silang nagsagawa ng entrapment nang ibigay nito ang kabuuang bayad sa pamamagitan ng GCash.


Isang Hilda Cariaga naman ang naaresto na siyang tumanggap ng pera mula sa remittance center at maayos namang nasampahan ng kaso dahil gamit nito ang GCash account ni Timikko Santos pero ang personal information ay sa nasakoteng si Cariaga.


Ang masaklap, isang PLTCOL Jay Guillermo ng PNP- ACG ang naglabas ng press release noong Nobyembre 11 na sina Santos at Cariaga ay both under the custody of PNP-ACG Custodial Facility na hindi naman totoo.


Ang resulta, naglabasan sa maraming pahayagan at telebisyon na maging si Santos ay nakaditine kaya namiligro ito sa kanyang trabaho at marami siyang kliyente na bumitaw na sa kanya dahil sa kakulangan ng kaalaman mismo ng opisyal pa naman ng PNP-ACG.


Ngayon, paano natin aasahan ang PNP-ACG na tumulong sa mga biktima ng scammer kung ang mismong biktima na dapat nilang tulungan at bigyan ng proteksyon ay winasak pa nila lalo ang pagkatao dahil lamang sa maling press release.


Sa ganitong mga kapalpakan ay tuwang-tuwa ang mga scammers dahil alam nilang hindi maayos ang sistema ng PNP-ACG lalo pa’t puwedeng maglagak ng piyansa para sa mga kasong ito kaya puwede namang gumawa ng krimen.


Sa ngayon ay sinampahan na ni Santos ng kasong identity theft ang naarestong si Cariaga dahil sa paggamit nito ng kanyang pekeng account at tatayo pa mismong saksi ang opisyal ng SAF na si Pitahin habang pinag-aaralan pa kung kakasuhan din ang opisyal na ACG na sumira sa kanyang pagkatao.


Ilan lang ito sa dapat pang ayusin sa paglaban sa mga scammers, dapat maglagay ng mga karapat-dapat na tao loob ng ACG, hindi ‘yung ipapahamak ang buong organisayon at napupunta sa wala ang pagsisikap ng nakararami dahil lamang sa kakulangan ng alam ng ilan.


Ayon sa pamunuan ng PNP, hindi basta-basta ang pagsugpo sa mga ganitong kaso dahil hindi dapat malantad ang pagkakakilanlan ng mga sangkot hangga’t hindi sigurado kaya dumaraan pa sa DICT ang koordinasyon at sa korte naman para mag-request ng search warrant para ma-examine ang mga digital data.


Kung tiyak na ang mga detalye ay saka pa lamang maaaring kumilos ang PNP upang malaman kung sino ang nasa likod ng text scam o gumagamit ng pekeng account sa social media kapag naaprubahan na ng korte ang hiniling na search warrant.


Dapat ding totoo ang ibinibigay na detalye sa media at hindi ‘yung mismong opisyal pa ang pinagmumulan ng fake news para lang makapagpa-pogi.


Sa ngayon ang implementasyon ng sim card registration law ang hinihintay ng mga awtoridad para mapigilan na ang text scams dahil kapag rehistrado na ang sim card ay mas madaling matukoy kung sino ang salarin.


Noong Lunes ay nagsagawa ng public consultation ang National Telecommunications Commission (NTC) para sa napipintong pagpapatupad ng sim card registration law na inaasahang mailalabas na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) nito sa lalong madaling panahon.


Umuusok ngayon sa social media na isagawa umano ang sim card registration sa pamamagitan na lamang ng online na labis namang tinututulan ng PNP-ACG dahil puro galamay umano ng mga scammers ang may gusto nito upang makapagparehistro ng pekeng pagkakakilanlan.


Pinakamabuting paraan umano na tularan ang ginawang pagpaparehistro ng national ID na manu-mano o personal na magtungo sa pagpaparehistro para hindi makalusot ang mga scammers.


Hindi pa man din nagsisimula ang sim card registration ay nakahanda na pala ang mga scammers kung paano ito palulusutan, kaya ngayon pa lamang ay nag-iingay na sila na gawin itong online.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page