Isabatas na ang DDR para walang epal sa panahon ng kalamidad
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | November 02, 2020
NAPAGTANTO NG GOBYERNO NA MAHALAGA ANG MAINSTREAM MEDIA SA PANAHON NG KALAMIDAD—Bago manalasa ang super-typhoon “Rolly” ay nanawagan si Usec. Ric Jalad ng Office of Civil Defense (OCD) sa mainstream media na palaganapin ang pagbibigay-impormasyon sa publiko, lalo na sa mga naninirahan sa mga liblib na lugar na mapanganib ang bagyong ito.
Sa tema ng panawagang ‘yan ni Usec. Jalad ay marahil napagtanto ng gobyerno na ang iniismol-ismol nilang mainstream media (telebisyon, radyo at pahayagan) ay mahalaga sa lipunan, lalo na sa panahong may kalamidad, period!
◘◘◘
PARA BAWAS-EPAL, ISABATAS NA ANG DEPARTMENT OF DISASTER RESILIENCE—Ngayong sunud-sunod na ang mga bagyong nananalasa sa Pilipinas, dapat suportahan na ang pagkaroon ng karagdagang departamento ang pamahalaan na tatawaging Department of Disaster Resilience (DDR) na nakatutok sa mga kalamidad na pumapasok sa bansa.
Mainam na maisabatas na ang departamentong ito para mabawasan ang sangkaterbang gov’t. officials na umeepal, pero “nganga” naman sa pagresponde at pagtulong sa mga biktima ng kalamidad, boom!
◘◘◘
I-DEPORT ANG MGA DAPAT I-DEPORT PARA MABAWASAN ANG SANGKATERBANG CHINESE SA ‘PINAS—Nanawagan si Sen. Kiko Pangilinan sa Duterte gov’t. na i-deport agad ang mga dayuhang makakagawa ng mga paglabag sa immigration law ng Pilipinas, pati ang mga foreigners na illegal na pumasok sa bansa.
Sana pakinggan ng Duterte gov’t. ang panawagang ito para mabawasan na ang sangkaterbang Chinese na nakapasok at gumagala sa bansa, period!





Comments