Isa na lang sa Celtics, nakabawi sa Heat sa Game 5
ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 27, 2022

Nilampasan ng bisitang Boston Celtics ang maalat na shooting ng ng superstars sa simula upang mabigo ang Miami Heat, 93-80, sa Game 5 ng Eastern Conference Finals ng 2022 NBA Playoffs kahapon sa FTX Arena. Ito ang unang pagkakataon sa seryeng best-of-seven na nanalo ang isang koponan ng magkasunod at maaaring wakasan ng Celtics ang serye sa Game 6 ngayong Sabado sa TD Garden.
Panay mintis sina Jayson Tatum at Jaylen Brown at nagsama para sa 10 puntos lang at nakuha ng Miami ang first half, 42-37. Sina sentro Al Horford and reserba Derrick White ang bumuhay sa Boston upang makontra ang magandang laro ni Bam Adebayo na nagtala ng 10 maagang puntos.
Ibang Boston ang lumabas para sa second half at uminit sa tamang panahon sina Tatum at Brown. Bumanat ng tatlong three-points si Brown at may isa pang tres si Tatum sa simula ng 4th quarter upang itayo ang 83-60 lamang at hindi na nakabangon ang Miami sa huling 8 minuto.
Nagtapos na may limang tres si Brown para sa 25 puntos habang nabitin ang triple double ni Tatum na 22 puntos, 12 rebound at 9 na assist. Sinuportahan sila nina Horford na may 16 at White na may 14 puntos.
Nagtala ng double-double na 18 puntos at 10 rebound si Adebayo at sinundan ng reserbang si Gabe Vincent na may 15 at Jimmy Butler na 13 puntos lang. Hindi pa rin naglaro ang pilay na Sixth Man of the Year Tyler Herro at kinailangan ng Miami ang shooting.
Ayon sa numero, sa 225 serye sa kasaysayan ng NBA Playoffs, 184 o 81.8% na nagwawagi sa Game Five ang tuluyang magtatagumpay sa serye. Kahit dehado, alam ng Heat na hindi imposible na kunin nila ang Game Six upang itakda ang knockout Game Seven sa FTX sa Lunes. Samantala, sisikapin ng Golden State Warriors na tapusin na ang Western Conference Finals ngayong Biyernes kontra sa bisitang Dallas Mavericks.





Comments