Isa na lang sa Blazers, Chiefs, sinopla sa Game 1
Updated: Jul 25, 2022
ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 21, 2022

Walang patumanggang binarubal ng undefeated na College of Saint Benilde Lady Blazers ang defending three-peat champion Arellano University Lady Chiefs nang walisin ito sa 25-21, 25-11, 25-10 upang lumapit sa inaasam na ikalawang kampeonato sa Game 1 ng best-of-three Finals sa 97th NCAA women’s volleyball tournament kahapon sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City.
Hindi mapigilan sa pagbitaw ng mga malulupit na atake si sophomore Jhasmin Gayle Pascual na pumalo ng kabuuang 17 puntos mula sa 13 atake, 3 blocks at 1 ace upang pagbidahan ang Taft-based Lady Spikers na nangangailangan na lang ng isang panalo upang masundan ang nag-iisang kampeonato noong season 91. Sumuporta rin sa double digit scoring si Michelle Gamit sa 11pts mula sa 9 atake at 2 blocks, habang nag-ambag si team captain Francis Myca Go ng 8 pts, 12 excellent digs at 4 excellent receptions at Jade Gentapa sa 7pts at 12 excellent digs, gayundin ang mahusay na pamamahagi ng bola ni Cloanne Mondonedo sa 14 excellent sets.
“Nagamit namin 'yung 10 days rest namin, bale yung two days ay nakapagpahinga at nakapag-isip-isip kung ano yung gagawin namin sa games tapos advantage sa amin yun, tapos sila nag-stepladder pa po, kaya yun ang naging advantage namin yung sa rest at nagamit namin talaga,” pahayag ng tubong Bulacan na si Pascual, na maaaring mapantayan ang nakamit na kampeonato noong 2016 ng talunin ang undefeated na San Sebastian College-Recoletos Lady Stags via 3-1 mula sa mahusay na laro nina Finals MVP Jeannette Panaga, Melanie Torres, at team captain Djanel Welch Cheng sa pagmamando ni coach Macky Carino.





Comments