top of page
WINNER - SEN. ROBIN, IPINAGDIINANG DDS SI JOSHUA-FB Robin Padilla.jpg

Isa na lang kay Basheirrou

  • BULGAR
  • Jun 21, 2022
  • 2 min read

ni Green Lantern - @Renda at Latigo | June 21, 2022


Isa na lang at mawawalis ni Basheirrou ang Triple Crown Series.


Muling ipinakita ni Basheirrou ang kanyang husay sa karerahan nang angkinin nito ang 2022 PHILRACOM 2nd Leg Triple Crown Stakes race na ginanap sa Metro Turf, Malvar-Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.


Dahil sa panalo ni Basheirrou namumuro na ito sa pag-ukit ng history na mga naka-sweep ng triple crown na huling gumawa ay si Heneral Kalentong noong 2020.


Sinunggaban ni Basheirrou ang unahan sa largahan upang hawakan ang tatlong kabayong abante sa mga humahabol na Brother Son, Radio Bell at Gomezian.


Ginabayan ni class A rider Kelvin Abobo, tinipid nito ang lakas ni Basheirrou upang may ilalabas pa pagdating ng rektahan ayon sa mga kareristang nakasaksi sa aktuwal na laban.


Pagdating ng far turn ay lumapit sina Brother Son at Radio Bell kay Basheirrou kaya uminit ang labanan sa unahan. Sa huling kurbada ay nakalapit na rin sa paghabol kay Basheirrou sina Jungkook at Gomezian na dumaan sa tabing balya.


Subalit nanatili ang tikas ni Basheirrou at tinawid nito ang meta ng may isang kabayo ang agwat sa sumegundong si Radio Bell habang tersero si Jungkook.


Ayon sa mga karerista, malaki ang tsansa ni Basheirrou na manalo sa third leg dahil sa ipinakitang performance nito. Si Abobo rin ang hinete ni Basheirrou nang manalo sila sa 1st Leg. Inirehistro ni Basheirrou ang 1:51 minuto sa 1,800 meter race sapat upang hamigin ang premyong P2.1M.


Nakopo ni Radio Bell ang second prize na P700,000 habang P350,000 ang naiuwi ni Jungkook sa event na suportdo ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.


Pumang-apat si Brother Son na sinungkit ang P175,000, pang-lima si Gomezian na kinubra ang P105,000 habang pang-anim si Enigma Uno na tinanggap ang P70,000.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page