top of page
Search
  • BULGAR

Isa at hindi mapaghihiwalay ang pagmamahal sa Diyos at bayan

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Marso 10, 2024


Naalala pa ng marami ang magandang panukala ng yumaong dating DILG chief na si Jessie Robredo. 

 

Naririyan ang simbahan na maraming ginagawa para sa karaniwan at mahihirap na mamamayan. Bakit hindi makipagtulungan ang pamahalaan sa simbahan. At ibinunga nito ang UBAS: Ugnayan ng Barangay at Simbahan.

 

Matagal-tagal nang patay si Jessie Robredo ngunit, nakagugulat at hindi pa nalilimutan ang UBAS at sa ilang lugar mayroong mga barangay at simbahang bumuo ng UBAS. 

 

Nang manalo si Atty. Jun Ferrer bilang barangay captain ng Barangay Bahay Toro, Project 8, Quezon City, hindi na ako naghintay ng mahabang panahon upang batiin at iabot ang kamay ng pakikipagtulungan sa bagong ama ng kilalang barangay sa pagitan ng Mindanao Avenue at EDSA, karatig ng Barangay Sto. Niño at kabila lang ng Muñoz Market sa kahabaan ng dating Roosevelt Avenue na ngayon ay Fernando Poe Jr. Avenue na.

 

Medyo malaki at malawak ang Barangay Bahay Toro. Kung hindi ako nagkakamali, saklaw nito ang tatlong parokya na maaaring maging katuwang sa paglilingkod sa mga mamamayan ng Barangay Bahay Toro.

 

Bilang bunga ng kauna-unahang pag-uusap namin ni Kap. Jun Ferrer, nabuo ang ilang plano.

 

Una ay ang kasunduang laging mag-usap at magtulungan. Pangalawa, ang isagawa ang buwanang pagmimisa, tuwing unang Lunes sa ganap na alas-6:30 ng umaga. Marami pa kaming ibang napag-usapan, ngunit wala pang anumang kongkretong plano. Ang mahalaga ay ang damang-damang diwa ng bukas at masiglang pakikipagtulungan ng barangay at simbahan sa aming barangay.

 

Ika-4 ng Marso, 2024, unang Lunes ng buwan, alas-6 pa lang ng umaga. Naroroon na ang ilang volunteer ng aming parokya sa covered court ng Barangay Bahay Toro. Puno ang covered court. 

 

Sa aking tingin, humigit-kumulang apatnaraang katao ang nasa loob ng covered court.

 

Nagsimula sa oras ang misa. Masaya at masigla ang namayaning diwa at positibo ang timpla ng hangin.

 

Dahil dito, magaan at bukas ang pagsamba at pagbubuong pamayanang naganap sa pagitan ng dalawang magkaiba ngunit malalim na magkaugnay na sektor: ang simbahan at barangay.

 

Sa aking omeliya, sinikap kong hanapin at simulan ang naturang “common ground”.


Madalas pagsabungin ang simbahan at pamahalaan ng mga ilang elemento sa pamahalaan. Nangyayari ito kapag nagsasalita na ang mga taong simbahan tungkol sa mga nangyayari sa lipunan at pamahalaan. Gamit nila ang katagang “Separation of Church and State” na hindi na natin pag-uukulan ng pansin dito dahil mayroong higit pa sa artipisyal na kontrobersyang ipinaiiral ng mga naaantig at naaapektuhan ng positibong pakikilahok ng simbahan sa pagpapaganda at pagtutuwid ng anumang mali at baluktot sa lipunan. 

 

At napakahalagang isulong ng bawat isa ang “tayuang patas at pantay” ng mga magkakababayan mula sa dalawang magkaiba ngunit, malalim na magkaugnay na sektor. Dapat isa at hindi mapaghihiwalay ang pagmamahal sa Diyos at bayan.

 

Sa aking omeliya, binigyan kong pansin ang unang pagbasa tungkol sa ketonging Naaman, na taga-Syria at hindi Hudyo. Kung bakit napayuhan ito ng katulong ng kanyang maybahay na tumungo sa kabilang ibayo upang humingi ng tulong sa propetang maaaring gamitin ng Diyos upang pagalingin siya. Natagpuan nito si Eliseo na pinayuhan itong maglublob ng pitong beses sa ilog Jordan. 

 

Umalis na galit ang ketonging opisyal. Nagtataka siya kung bakit hindi siya pinagaling kaagad ng propeta at sa halip pinapunta pa sa ilog Jordan para maglublob ng pitong beses. Ngunit, kinausap si Naaman ng kanyang mga tauhan at sinabihan ito, “kung mahirap ang sinasabi ng propeta, ‘di ba’t gagawin ninyo ito para lang gumaling kayo?” Kaya’t tumuloy sa ilog Jordan ang ketongin. Naglublob ng pitong ulit at nawala ang kanyang ketong na napalitan ng balat na kutis bata.”

 

Napakahalaga ng pananampalataya sa lahat ng ating ginagawa. Kung walang pananampalataya, madaling matukso na maghanap at lumikha ng mga diyos-diyosan. 

 

Ito ang aking ihahandog na tulong sa ating barangay, na panatilihing laging bukas, gising at tumutugon ang pananampalataya ng lahat sa Diyos na buhay, na Siya rin ang Diyos ng buhay.

 

Ibinahagi ko ang karanasan ng paghahanap at pagtataguyod ng katotohanan at katarungan sa nakaraang limampu’t apat na taon, mula 1970 hanggang kasalukuyang panahon. Kung bakit kay daling maghanap at gumawa ng diyos-diyosan ng salapi at kapangyarihan ang maraming naka-puwesto. Malinaw kung bakit dahil mababaw o walang pananampalataya sa Diyos na buhay at Diyos ng buhay.

 

Naging masaya at puno ng pag-asa ang dalawang panig ng simbahan at barangay. Alam ko, kung mananatiling bukas at handang magtulungan ang dalawang sektor, ito na ang simula ng simbarangayan! 

 

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page