top of page
Search
  • BULGAR

Iprayoridad ang Informal Economy Registration and National Database Act para sa tulong-pinansiyal...

ng mga pedicab driver, magtataho at iba pa

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | July 11, 2020


Bilang isa sa mga survivor ng COVID-19, tayo ay nagpapasalamat, unang-una sa ating Panginoon at siyempre, sa ating mga minamahal na doktor at nurse na sumuri at nagpagaling sa inyong lingkod.


Bagaman, dalawang beses tayong nagkaroon ng COVID-19 (‘yung pangalawa ay hindi naman masasabing malala dahil remnants o “sapal” na lamang ng virus ang nakita sa atin), ngayon ay tiniyak sa atin ng mga doktor na tayo ay tuluyan nang gumaling. Katunayan, muli tayong nag-donate ng ating blood plasma na base sa mga eksperto ay maaaring makapagligtas sa buhay ng mga kababayan nating naghihirap ngayon sa karamdamang ito.


At dahil sabi nga ng mga espesyalista na dumarami na ang mga COVID-19 patients na natutulungan ng convalescent plasma therapy, tayo ay mananawagan pa sa mga kapwa ko COVID-19 survivors. Mag-donate tayo ng ating blood plasma at magligtas ng buhay na maaaring mapahamak dahil sa virus na ito.


Para sa ilan pang kaalaman at detalye ng pagdo-donate, maaari tayong makipag-ugnayan sa plasmangpagasa.com. Sa nasabing website, maaari tayong magparehistro at piliin ang ospital na nais ninyong kumuha ng inyong donasyong blood plasma. Huwag tayong mag-alala na maikalat ang ating identity at iba pang datos, sapagkat ang ating rehistrasyon ay mananatiling pribado.


*****


Nakalulungkot isipin na nitong nakaraang tatlong buwan na walang pinagkakakitaan ang marami sa ating mga kababayan dahil sa lockdown dulot ng COVID-19 pandemic, may ilan pala sa kanila ang walang natanggap na ayuda dahil sa kawalan ng kumpletong datos ng mga kinauukulan.


Marami tayong natanggap na ulat na kabilang sa mga hindi nakatanggap ng tulong-pinansiyal tulad ng SAP ay mga manggagawa natin sa informal sector. Sila ‘yung mga magtataho, pedicab driver, vendor, etc — sila ‘yung mga walang seguridad sa trabaho at kumikita nang barya-barya. Isipin niyo, barya-baryang kita, nawala pa dahil sa lockdown. Pero kung nakatanggap man lang sana sila ng ayuda, siguro nakatulong din ito kahit paano. Pero ang kaso — wala.


Matagal na nating isinusulong ang kapakanan ng informal workers natin. Noon pang 2004 nang una nating itulak ang Magna Carta of Workers in the Informal Sector na mangangalaga sana sa kanilang kalagayan sa lipunan.


Ngayon, isinusulong naman natin sa Senado ang Senate Bill 1636 o ang panukalang Informal Economy Registration and National Database Act. Sa pamamagitan po nito, magkakaroon tayo ng kumpletong datos ng informal workers natin at sa sandaling kailangang makatanggap sila ng relief goods o anumang tulong sa gobyerno ay madali lamang silang mahahanap ng mga kinauukulan.


Kung itong mga manggagawa natin sa formal economy, dumanas din ng hirap sa kasagsagan ng lockdown — isipin naman natin kung gaano kahirap ang dinanas ng mga kababayan nating informal workers? Maliit na tulong ng gobyerno, hindi pa nila natanggap dahil hindi sila nakatala sa mga dapat matulungan.


Kaya, huwag na sana tayong maghintay ng panibagong lockdown para lang maaalala nating muli ang mga magtataho at mga pedicab driver at mga vendor natin. Dapat, magkaroon na tayo ng informal workers database sa lalong madaling panahon.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page