Ipinadukot, ikinulong sa mental hospital… MELANIE, BINUBUGBOG NA NG MISTER, INIINSULTO PA, WA’ RING SUSTENTO PARA SA ANAK
- BULGAR

- 1 day ago
- 5 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | January 7, 2026

Photo: SS / FTWBA
“I’m verbally abused. Iniinsulto n’ya ako emotionally, financially, mentally kasi magaling s’yang magsalita. ‘Di nabanggit, physically abused,” ito ang bungad ni Melanie Marquez kay Boy Abunda sa panayam sa kanya sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA) nu’ng Lunes.
Sino’ng mag-aakalang battered wife pala si Melanie sa mister na si Adam Lawyer na taga-Alhambra, California, USA, matapos ang 25 taon nilang pagsasama bilang mag-asawa.
Ang paliwanag ng dating beauty queen-actress ay sobrang in love at mahal niya ang asawa, at gusto niya ng buong pamilya kaya tiniis ang lahat ng pang-aabuso. Higit sa lahat, inaalala rin niya ang kalagayan ng dalawa niyang anak na may special needs (autism spectrum) – sina Mazen, anak niya sa dating Arab businessman, at Adam, Jr., anak nila ng asawa.
Noong Nobyembre 2025 ay sumulat si Melanie sa Bureau of Immigration (BI) at ito ang binasa ng TV host.
“Binasa ko ang iyong sulat sa Bureau of Immigration Commissioner. Mayroon doon mga specific incidents. March 1, 2022, natutulog ka at sinuntok ka sa kanang tenga. Ano’ng kuwento?” tanong ni Kuya Boy.
“Actually, before that, tinutukan ako ng baril n’yan,” sambit ni Melanie.
Hirit ni Boy, “Bago ‘yan? ‘Di mo in-include sa affidavit mo?”
“‘Di tinutukan kasi he wanted me to solve his problem in Davao. Nu’ng time na ‘yun kaya kami bumalik kasi may exhibit kami nina Maria Isabel Lopez. Sabi ko, ‘You don’t have to do that to me na tutukan mo ako ng baril,’” kuwento ni Melanie.
Ipinapa-solve raw ni Adam ang problema nito sa Davao kahit wala siyang alam. Kinailangan niyang lumuwas ng Maynila kaya nauwi sa pagtatalo.
Tuloy ni Kuya Boy, “Bago ka sinuntok noong 2022 sa kanang tenga, maraming insidente na sinasaktan ka pisikal, maliban du’n sa pagtutok. Bakit ka n’ya sinaktan?”
Sagot ni Melanie, “‘Di ko alam kung bakit. Natutulog ako, Tito Boy. Magkatabi kami. Akala ko, nanaginip ako na may sumuntok sa akin. S’ya ‘yung katabi ko.
“Tapos naalimpungatan ako, nakita ko s’yang nakatingin sa akin, tapos sinuntok n’ya ako. Umupo ako at narinig ko sa tenga ko, may sound, kaya sinipa ko s’ya para mahulog sa kama. Sabi ko, ‘Why did you punch me?’
“Sabi n’ya, ‘I was dreaming. I don’t know.’ Napika ako, pumunta ako sa pulis, nag-report ako, tapos pumunta ako sa Makati Medical Center sa emergency para sa medical certificate.”
Nagkaroon ng damage ang kanang eardrum ni Melanie at naka-attach ito sa complaint letter na isinumite niya sa BI.
Nasambit din ni Kuya Boy na nangyari ang parehong insidente noong 2021 ngunit hindi nakapagpa-medical si Melanie kaya wala siyang ebidensiya.
Noong 2022, nag-report din siya sa barangay upang mapaalis ang asawa sa bahay, bagay na ikinagalit nito at hindi raw makakalimutan na pinaalis siya sa sarili niyang condo unit.
Ipinagdiinan ni Melanie na tuwing sinasaktan siya ng asawa ay hindi raw nito inaamin at kung anu-ano ang alibi.
Noong Oktubre 22, 2025 ay nabuking ni Melanie na ang assistant na kinuha niya sa negosyo nila sa Utah ay incompetent umano. Nagalit ang asawa nang tanggalin niya ito at hindi na siya sinusunod. Nang buksan niya ang laptop, nabuking niyang Executive Secretary ang posisyon ng assistant kahit pera niya ang in-invest at may private chat pa ito sa mister niya.
Nang tanungin niya ang asawa tungkol dito ay itinanggi raw nito ang lahat.
Dahil sa galit, hiniram niya ang kotse para mag-drive at magpalamig.
“Umupo ako, naka-seatbelt na, tapos bigla n’ya akong sinuntok sa dibdib at sinabing, ‘You’re not gonna use the car,’ sabay diin sa akin hanggang sa nakalabas ako ng kotse. Sabi ko, ‘Gusto mo, suntukan tayo?’ Pero ‘di n’ya ako sinagot, nag-smile lang s’ya. He knew that I’m hurt,” kuwento ni Melanie.
Hirap na siyang makahinga at tinawagan ang best friend para magpasama sa doktor ngunit walang available kaya kinabukasan pa siya na-check.
Kuwento pa niya, “Because I’m in pain, I decided to sleep early. In the middle of the night, gusto kong umihi. ‘Di ako makatayo, ‘di ko maiangat ang katawan ko. Sabi ko, ‘Adam, please help me. Carry me, I need to pee.’ Ang sagot niya, ‘You’re just acting.’
“Napapikit na lang ako. Naisip ko, ‘di ako minahal ng taong ‘to. Kaya sabi ko sa sarili ko, ‘Melanie, ‘wag ka nang magbulag-bulagan.’”
Nakatulog siya sa sakit at paggising niya ay basang-basa ang kalahati ng katawan niya. Ipinagdasal niya na tulungan siya ng Diyos at nakabangon siya hanggang sa sunduin ng kaibigan para magpa-checkup.
Ayon sa doktor ay may problema ngunit hindi makita kaya nagpa-MRI (Magnetic Resonance Imaging) siya. Lumabas ang resulta kinahapunan.
“Melanie, I’m sorry to tell you that your third rib is fractured and that’s why you’re in pain,” ani ng doktor.
Humingi siya ng kopya ng MRI at dinala ito sa pulis. May ebidensiya na para ipaaresto ang asawa ngunit pinigilan niya at piniling siya na lang ang umalis ng bahay.
Nag-file siya ng reklamo at pinayuhan ng abogado na kumuha ng protection order. Hindi na siya bumalik sa asawa at nanuluyan sa kaibigan.
Sa lahat ng pinagdaanan niya, ang dalawa niyang anak na may special needs ang lagi niyang iniisip. Kailangan daw nilang pumunta sa Utah upang makahingi ng child support mula sa gobyerno dahil wala raw ganoon sa Pilipinas.
Inamin din ni Melanie na kahit noong bata pa ang kanilang mga anak ay hindi nagbibigay ng sustento ang asawa. Ang anak niyang may autism ay kailangan ng therapy ngunit hindi niya nadadala dahil ayaw ipahiram ni Adam ang sasakyan.
Ibinunyag din niyang sinasaktan umano ni Adam ang anak niyang si Mazen noong bata pa ito habang wala siya dahil nagtatrabaho siya sa farm.
Tinanong ni Kuya Boy kung alam na ng asawa na sumulat siya sa BI upang kanselahin ang visa at ipa-blacklist ito.
“I told him, harapan nu’ng nasa States ako. Sabi ko, ‘I cancelled your visa and I don’t want you to get in my country.’ Wala s’yang reaksiyon,” ani Melanie.
Ayon pa sa kanya, palaging sinasabi ng asawa na lawyer ito at alam niya ang sistema sa Pilipinas dahil pera raw ang umiiral.
Ikinuwento rin ni Melanie na noong nasa China sila ay tatlong gabi siyang nagising na sinasaktan—una ay pinukpok sa ulo, ikalawa ay sinipa, at ikatlo ay sinabunutan.
Katwiran ng asawa, nananaginip lang ito, ngunit hindi na naniwala si Melanie.
Isa pa sa mga ibinunyag niya ay ang tila bangungot sa buhay niya noong Hulyo 16, 2022 nang siya raw ay dinukot at ipinasok sa mental hospital.
“In-abduct ako. I was kidnapped against my will. Nobody talked to me. My phone got hacked and it’s on my birthday,” kuwento niya.
Ipinagpatuloy niyang ikuwento ang karanasan sa mental hospital at rehab, kung saan aniya ay walong buwan siyang nanatili kahit sinabing wala naman siyang problema at negative ang lahat ng drug tests.
Dahil sa lahat ng pinagdaanan, tuluyan na raw tatapusin ni Melanie ang 25 taong pagsasama at magpa-file na ng kaso laban sa asawa.
Ito ang dahilan kaya sumulat siya sa Bureau of Immigration upang kanselahin ang visa ni Adam Lawyer.
Samantala, nagpadala na ng pahayag sa media si Mr. Adam Lawyer sa pamamagitan ng abogado nito at mariing itinanggi ang mga akusasyon sa kanya ng beauty queen. Harassment daw sa kanyang pagkatao ang mga sinabi ni Melanie at handa niyang sagutin sa proper venue.








Comments