Internet voting, malaking tulong sa mga senior, PWD, bedridden
- BULGAR
- Aug 19, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 19, 2024

Napakalaking tulong para sa mga senior citizen, persons with disability (PWD) at mga bedridden kung maipapatupad na ang online voting sa ating bansa.
Ito ang inaasahan ng Commission on Elections (Comelec) na dumating ang pagkakataon na magkaroon na ng internet voting para makaboto ang mga naturang indibidwal kahit pa nasa bahay.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na hindi lamang mga PWD, kundi pati na rin senior citizens, at mga hindi na kayang maglakad o bedridden ang makikinabang at magagamit ang kanilang karapatan sa pagboto ng mga mapipiling kandidato sa internet voting.
Sa ngayon ani Garcia, walang paraan para sa mga nakaratay o bedridden na bumoto sa panahon ng halalan. Paliwanag niya, walang special power of attorney (SPA) na puwedeng i-apply dito dahil dapat personal ang pagboto.
Gayundin aniya, wala pang online voting sa bansa kaya iyong mga hindi makalakad o mga bedridden ay maaaring hindi makaboto sa araw mismo ng eleksyon.
Sa 2025 midterm elections ay ipapatupad ang internet voting ng mga overseas Filipino worker (OFW). At kung isasagawa na rin ang online voting sa ating bansa, ayon kay Garcia, ang mga hindi makakapunta sa mga polling precinct ay makakaboto na rin kahit pa nasa bahay lang.
Binigyang-diin naman ng opisyal na habang buhay ang isang Pilipino, may karapatan itong bumoto.
Sana nga ay maaprubahan at maipatupad ang internet voting sa ating bansa.
Mahirap kasi para sa ating mga lolo at lola, mga may kapansanang pamilya o kaibigan at lalo na sa mga nakaratay nating mga kababayan na pumila pa sa mga presinto para lamang i-exercise nila ang kanilang karapatan na bumoto sa mismong araw ng eleksyon.
Ang sa akin lang, kung papayagan naman ang online voting para sa ating mga kababayang OFWs, bakit hindi na rin gawin ito sa ating bansa na malaki ang maitutulong sa mga nasabing indibidwal?
Alalahanin sana natin na ang mga senior, PWDs at bedridden na kababayan ay kabilang din na mamamayang Pilipino kaya nararapat lamang na isama at bilangin ang kanilang mga boto.
Gayundin, mas tama na sila ang mga nasa listahan ng mga botante kaysa lumabas na patay na ang mga nakaboto.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments