Internet providers, tigilan ang palusot sa palpak na koneksyon
- BULGAR

- Aug 9
- 1 min read
by Info @Editorial | August 9, 2026

Hindi na dapat ituring na normal ang mabagal, putol-putol, at hindi maaasahang internet sa isang bansang halos lahat ng serbisyo ay nakasandal na sa koneksyon.
Nagbabayad ang mga Pilipino buwan-buwan para sa serbisyong ipinangako bilang mabilis at maaasahan, ngunit ang madalas na natatanggap ay buffering, lag, disconnection, at paulit-ulit na dahilan.
Sa panahon ng online work, distance learning, digital payments, at e-commerce, ang mabagal na internet ay hindi simpleng abala—ito ay direktang hadlang sa trabaho, edukasyon, negosyo, at kabuhayan.
Mas nakagagalit na tila ang konsyumer pa ang kailangang mag-adjust. Kapag mabagal ang serbisyo, tatawag sa customer service; kapag may outage, maghihintay; kapag hindi naabot ang ipinangakong bilis, sasabihin na maaaring may problema sa linya, modem, area, o maintenance. Ngunit kapag oras na para maningil, walang “maintenance” sa bill.
Buo ang singil, kaya dapat buo rin ang serbisyong inaasahan. Hindi sapat ang magagandang advertisement tungkol sa “high-speed” internet kung ang aktuwal na karanasan ng subscriber ay malayo rito.
Panahon nang managot ang mga internet provider sa kalidad ng serbisyong kanilang ibinebenta. Hindi pabor ang hinihingi ng publiko kundi serbisyong katumbas ng binabayaran.



Comments