top of page

Insurance coverage sa aksidente sa kalsada, taasan sana

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 10
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | September 10, 2025



Boses by Ryan Sison


 

Ngayong ang kalsada ay puno ng peligro, hindi na sapat ang dasal at pag-iingat, kailangang may sistemang sumasalo sa mga biktima. 


Kaya naman nagpanukala ang Land Transportation Office (LTO) na taasan ang benepisyo sa ilalim ng Compulsory Third-Party Liability (CTPL) insurance sa mga biktima ng road accident. Kung dati’y P200,000 lamang ang maximum coverage, layunin nilang gawing P400,000 para sa mga naging biktima ng aksidente. 


Ayon sa draft circular ng Insurance Commission, mangangailangan ng dagdag na halos P500 sa premium ng mga operator ng pampublikong sasakyan upang maisakatuparan ito. 


Bagama’t dagdag-gastos, mas marami ang nakikitang benepisyo dahil mas malawak na proteksyon ang maibibigay sa mga pasahero at motorista.


Ilang transport groups pa nga ang nananawagan na maging patas na kung tataas para sa mga PUV, dapat tumaas din para sa mga pribadong sasakyan. 


Ngunit, hindi lang insurance ang binibigyang pansin ng LTO. Kasabay nito, pinag-aaralan din nila na mas higpitan ang requirements sa professional driver’s license. Para sa mga bus at truck driver, isinusulong ang 32 oras na kombinasyon ng theory at praktikal na pagsasanay. 


Dagdag na apat na oras ng lecture at practical exam naman ang kailangan para sa mga driver ng motorsiklo, tricycle, jeep, at kotse. Lahat ng ito’y bahagi ng konsultasyon sa transport sector, habang bukas pa rin ang ahensya sa karagdagang rekomendasyon bago tuluyang ipatupad ang mga bagong polisiya. 


Sa ganitong mga panukala, malinaw na mas pinahahalagahan na ngayon ang kalidad at safety sa mga kalsada. 


Kung tutuusin, mas mainam na gumugol ng oras at dagdag na halaga para sa mas ligtas na pagbiyahe kaysa magtipid ngunit nagiging kapalit ay buhay at panganib. 


Ang insurance ay hindi lamang dokumento, kundi lifeline para sa lahat ng biyahero – driver at pasahero. Habang ang mas mahigpit na pagsasanay para sa mga driver ay hindi pahirap, kundi paalala na hawak nila ang buhay at kaligtasan ng mga pasahero sa bawat kalsadang kanilang tinatahak. 


Ang responsibilidad ay hindi lamang nakasalalay sa gobyerno at insurance providers. Nasa bawat isa rin mapamotorista man o pasahero. 

Kung ang sistema ay nag-aalok ng proteksyon, tungkulin nating suklian ito ng disiplina, respeto, at malasakit sa daan. 


Sa kalsadang walang kasiguraduhan, ang pinakamahalagang lisensya ay hindi lang nasa pitaka, kundi nasa pag-iingat na napapalooban ng konsensya.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page