Insidente ng ‘pagnanakaw’ sa NAIA, kumalat
- BULGAR
- Sep 22, 2023
- 1 min read
@Editorial | September 22, 2023
Iniimbestigahan na ang isang empleyado sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 na nahuli-cam na may nilulunok na tila papel matapos magreklamo ang isang pasahero na nawawalan umano ng $300.
Nakita sa CCTV footage sa NAIA 1 noong gabi ng Setyembre 8, ang isang babaeng contractual employee ng Office for Transportation Security (OTS) na tila may isinubong papel bago uminom ng tubig. Sa isang punto, tila isinusuksok pa niya paloob sa bibig ang umano’y papel.
Napag-alaman na ipinagbabawal sa ilalim ng kanilang polisiya ang mga empleyado na kumain sa kanilang area.
Iniimbestigahan na ng OTS ang video nang makatanggap sila ng sumbong noon ding araw na iyon mula sa isang pasahero na nawalan ng $300.
Kinapkapan ang mga naka-duty na empleyado pero walang nakitang dolyar ang mga nag-imbestiga, kaya palaisipan kung saan napunta ang pera.
Kaugnay nito, inutusan na ang OTS na magsampa ng kaso laban sa mga tauhan at mga sangkot sa insidente ng pagnanakaw.
Pinahintulutan din umano na magpataw ng pinakamataas na parusa sa mga mapapatunayang nagkasala upang ipakita ang determinadong pagtulak ng kagawaran na alisin ang anumang ilegal na aktibidad sa paliparan.
Ang mga ganitong pangyayari ang naglalagay sa kahihiyan sa ating bansa.
Nagsusumikap ang karamihan para maibangon ang ekonomiya pero may iilan na sadyang gumagawa talaga ng kalokohan para sa pera.
Batid natin na hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot ang empleyado ng paliparan sa ilegal na gawain, may mga nauna na ring raket na nabuking.
Kaya panahon na para magpataw ng mas mabigat na parusa, sibakin sa trabaho, pagmultahin nang malaki at ikulong para ‘di na mapamarisan ng iba.



Comments