top of page
FRANKLY - LISENSIYA NI BINI MIKHA, SINUSPINDE, SUMUKO SA LTO_IG _bini_mikha _FB Circulated

Inireklamo sa pagka-casino — Ombudsman... Rosario, Cavite Mayor Ricafrente, suspendido

Writer: BULGAR
BULGAR
2 hours ago
2 min read

by Jeff Tumbado @News | November 13, 2026



Jose Voltaire V. Ricafrente - FB

Photo: Jose Voltaire V. Ricafrente - FB



Ipinataw ng Office of the Ombudsman ang preventive suspension laban kay Rosario, Cavite Mayor Jose Voltaire Ricafrente kaugnay ng umano'y pagkakasangkot nito sa pagsusugal sa isang casino sa Bacolod City.


Ayon sa Office of the Ombudsman nitong Huwebes, nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain ng Field I investigation Office I matapos magsagawa ng imbestigasyon sa umano'y pagsusugal ng alkalde.


Sa anim na pahinang kautusan, sinabi ng Ombudsman na may sapat na batayan para ipataw ang preventive suspension kay Ricafrente dahil sa matibay na ebidensiya laban sa kanya.


Ayon sa Ombudsman, maaaring maging dahilan ng pagkakatanggal sa serbisyo ang mga kasong Grave Misconduct at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service na kinakaharap ng alkalde.


Batay sa imbestigasyon, pumasok umano si Ricafrente sa isang casino na matatagpuan sa loob ng hotel noong Marso 14, 2026, kasama ang apat na hindi pinangalanang indibidwal.


Nabatid na naglaro umano ang alkalde sa isang gaming table gamit ang casino chips na nagkakahalaga ng P30,000 at nanalo ng P10,000 bago umalis sa establisimyento.

Binigyang-diin din ng Ombudsman ang Memorandum Circular No. 06, series of 2016 na inilabas ng Office of the President, na nagbabawal sa mga opisyal at empleyado ng pamahalaan na makilahok sa anumang uri ng pagsusugal.


Nilinaw naman ng Ombudsman na hindi nangangahulugan ng pagkakaroon ng administratibong pananagutan ang preventive suspension.


Ayon sa ahensya, maaaring maimpluwensiyahan ni Ricafrente ang imbestigasyon kung mananatili ito sa puwesto dahil sa access nito sa mga rekord ng pamahalaan at posibleng impluwensya sa mga testigo.


Ang preventive suspension na walang sahod ay ipatutupad habang nakabinbin ang resolusyon sa mga kasong Grave Misconduct at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service.


Agad na ipatutupad ang suspensyon at mananatili ito hanggang sa tuluyang maresolba ang administratibong kaso laban sa alkalde.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page