Inilibing sa bakanteng lote.. Adamson student, patay sa hazing
- BULGAR

- Mar 1, 2023
- 1 min read
ni Jeff Tumbado | March 1, 2023

Isang bangkay ng lalaki na hinihinalang biktima ng hazing ang nadiskubre sa Cavite, kahapon.
Base sa impormasyong nakalap, may isang linggo nang nawawala ang biktima na natukoy bilang si John Matthew Salilig, isang chemical engineering student mula Adamson University.
Nadiskubre ang bangkay ni Salilig na nakalibing sa isang bakanteng lote sa Cavite matapos umanong ituro ng suspek.
Positibo namang kinilala si Matthew ng kanyang nakatatandang kapatid na si John Martin. Ayon sa report ng Cavite City Police Office (CCPO), Pebrero 17 nang magpaalam si Matthew na dadalo sa welcoming rites ng isang fraternity sa Biñan, Laguna.
Nitong umaga ng Pebrero 18, nakita pang sumakay si Matthew sa isang bus terminal sa Buendia sa may Pasay City, kasama ang ibang miyembro ng samahan, base sa kuha ng CCTV.
Noong gabi ng parehong petsa ay pinaniniwalaan uma-nong namatay ang biktima. Ayon sa pangunahing witness sa kaso, nagdesisyon ang grupo na i-dispose ang katawan ni Matthew.
Pebrero 19, nakatanggap umano ng anonymous message si Martin ukol sa sinapit ng kapatid matapos ang welcoming rites.
Kinabukasan ay nag-report si Martin sa Manila Police District, na agad nakipag-ugnayan sa Biñan Police. Natukoy ng mga awtoridad ang nasa 18 suspek, na mahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Hazing Law.
Sa isang pahayag, kinumpirma ng Adamson University ang pagpanaw ng isa nilang mag-aaral na naiulat na nawawala, bagaman hindi na ito pinangalanan.
Inihayag pa ng unibersidad na nagsasagawa ito ng sariling imbestigasyon sa insidente at tiniyak na makikipag-ugnayan sa mga awtoridad kaugnay sa kaso.
Dinala na sa punerarya ang labi ni Matthew. Inihahanda na umano ang autopsy at DNA test bago ito iuwi sa kanilang probinsiya sa Zamboanga.




Comments