Ingat sa mga trabahong iniaalok online
- BULGAR
- Feb 14, 2024
- 1 min read
@Editorial | Pebrero 14, 2024
Kapansin-pansin ang mga trabahong iniaalok online, partikular para sa mga gustong mag-abroad.
Malaking sweldo, maraming benepisyo at kung anu-ano pang mapang-akit na offer ang talagang humahatak sa mga aplikante.
Gayunman, may paalala ang Bureau of Immigration (BI), mag-ingat sa illegal recruiters na gumagamit na ng social media. Kung saan, marami na umano ang nabibiktima ng modus.
Matatandaang ilang kababayan natin ang nakumbinse na tanggapin ang trabaho bilang call center agent pero pagdating sa ibang bansa, ginawa silang online scammer.
Nakapanlulumo na halos ipangutang pa ang panggastos para makapag-abroad tapos mabibiktima lang. Swerte kung makakauwi nang ligtas, masaklap kung maabuso o mapahamak pa.
Walang masama sa paghahangad na makipagsapalaran sa malayo para masuportahan ang pamilya at umasenso ang buhay basta tiyaking legal ang papasukan.
Alamin ang mga legitimate channel o social media account para sa mga trabaho abroad at huwag basta maniwala sa mga nababasa.
Itsek sa ahensya ng gobyerno kung ang inaaplayan ay totoo para walang pagsisihan.
Sa kabilang banda, magsilbi sana itong hamon sa ating pamahalaan na tugunan ang isyu sa trabaho. Kung mas maraming oportunidad ang bubuksan sa publiko para kumita, ‘di na kakailanganing makipagsapalaran sa ibang bansa.


Comments