Ingat sa hawaan ng XBB at XBC subvariant
- BULGAR
- Oct 23, 2022
- 1 min read
@Editorial | October 23, 2022
Bagama't unti-unti na tayong nagkakaroon ng kani-kanyang pag-a-adjust sa 'new normal', hindi pa rin tuluyang natatapos ang pandemya. Bukod sa nagkakaroon ng panibagong variant--ang mga bagong uri ng virus ay nakapagtatala na rin ngayon ng mga kaso nito.
Kinumpirma ng Department of Health na mayroon ng local transmission ng nakahahawang omicron XBB subvariant at XBC subvariant ng COVID-19.
Kaugnay nito, inihayag ng direktor ng DOH’s epidemiology bureau na si Dr. Alethea de Guzman, na walang kaugnayan sa pagbiyahe sa labas ng bansa ang hawaan ng bagong uri ng COVID-19.
Ibig sabihin, sa loob lamang ng bansa nakuha ang impeksyon.
Gayunman, agad namang nilinaw ni De Guzman na hindi pa wide-scale community o nagkakaroon ng hawaan sa buong bansa.
Matatandaang unang na-detect ang XBB sa India noong Agosto 2022.
Sa kabila ng mga pagsulpot ng mga sakit, bigyang-halaga palagi ang kalusugan, magsuot ng face mask sa paglabas ng bahay, lalo na kung may vulnerable na miyembro ng pamilya, gayundin ay huwag kalilimutang maghugas ng mga kamay.
Bukod sa bakuna, booster at ibang panawagan ng gobyerno, malaking bagay na maging disiplinado nang sa gayun ay mailigtas natin, hindi lamang ang sarili kundi maging ang ating mga mahal sa buhay.



Comments