Influencer na nagpo-promote ng illegal online gambling, talupan
- BULGAR

- Jul 18, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | July 18, 2024

Babala sa mga social media influencer na umano’y gumagamit ng kanilang mga platform para i-promote ang mga website ng illegal online gambling na maaaring maging target ang mga kabataan.
Ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), nagsasagawa na ang House Committee on Public Order and Safety at ang House Committee on Games and Amusements ng magkasanib na imbestigasyon sa mga krimen na naiuugnay sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs).
Batay sa kagawaran, isa sa mga nagiging hamon sa gambling industry ay ang “mabilis na paglaki o pagdami ng mga illegal casinos sa pamamagitan ng social media”.
Sa isang presentasyon sinabi ni Jessa Fernandez, PAGCOR assistant vice president at head ng kanilang overseas gaming licensing division, maraming influencers ang gumagamit ng platforms nila gaya ng Facebook, TikTok, YouTube upang hikayatin ang mga prospective player na subukan ang kanilang kapalaran sa mga ilegal na platform, kaya pino-promote nila ang mga website o isang laro tulad ng ‘wheels of whatever’ kahit walang lisensya sa PAGCOR.
Gayundin aniya, ang mga gaming platform na ito ay hindi kinokontrol o unregulated at walang proteksyon sa players nito. Ang mas malala pa ay maaari nilang itulak ang mga kabataan na subukan ang pagsusugal.
Giit pa ni Fernandez na itong mga illegal game offering na mukhang legal, pero walang proteksyon para sa mga player na magbabayad sa platform, ay walang kontribusyon sa gobyerno, walang customer verification, kaya maraming mga kabataan na maaaring makapaglaro sa ilegal na mga platform.
Hindi naman binanggit ng opisyal kung ilang influencer na ang nasangkot sa naturang operasyon.
Sa kabilang banda, hiniling ni House Public Order panel chair Rep. Dan Hernandez sa PAGCOR na isumite sa kanila ang mga pangalan ng mga natukoy na influencer.
Ayon sa mambabatas, dapat na i-submit sa kanila ang mga pangalan para makipag-ugnayan sila sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at sa Department of Information and Communications Technology (DICT) upang makagawa ng aksyon laban sa mga nasabing indibidwal.
Matatandaang ini-report ng PAGCOR na humigit-kumulang 1,954 ilegal na online gambling platform ang nananatiling aktibo matapos ang 5,793 sa mga ito ay na-block sa nakalipas na 2 taon.
Nauna na ring sinabi ng kagawaran na ang kanilang pagsugpo sa mga illegal gaming operator ay nakadepende sa mga law enforcement agencies dahil wala silang police powers.
Dapat na talagang mas tutukan nang husto ng gobyerno ang talamak na pagkalat ng illegal online gambling sa ating bansa.
Pati mga kabataan ay naeengganyo na sa illegal casinos sa halip na isipin muna nila ang kanilang pag-aaral.
Sa mga kababayang influencer na naiisip lamang ang magpayaman, tigilan na sana ninyo ang mag-promote ng illegal online gambling. Hindi kasi ito nakatutulong para mapabuti ang kalagayan at pamumuhay ng ating mga kababayan, bagkus nalulugmok pa sila sa kahirapan. Kumbaga, nagdudulot ito ng perhuwisyo sa mga mamamayan.
Sa kinauukulan, hiling sana natin na magkaroon ng batas na magpaparusa sa mga social media influencer na masasangkot sa anumang illegal online gambling upang kahit paano ay mabawasan ang mga nalululong sa sugal.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments