Inararo ng truck… Estudyante ng Cavite State U, patay, 4 pa sugatan
- BULGAR
- Jan 23, 2023
- 1 min read
ni Lolet Abania | January 23, 2023

Patay ang isang estudyante habang apat pa ang nasugatan matapos na banggain ng truck ang isang bahagi ng unibersidad sa Indang, Cavite, ayon sa pulisya ngayong Lunes.
Sa report ng GMA News, sinabi ni Indang Police chief Police Major Edward Cantano na nagbabasa ang mga estudyante ng kanilang mga libro nang biglang araruhin ng truck ang kanilang lugar na nasa main campus ng Cavite State University (CvSU).
Paliwanag ng driver na si Federico Bakulan, wala siya sa sasakyan nang oras na mangyari ang aksidente dahil nagde-deliver sila ng tubig sa iskul, at nakalimutan niyang maglagay ng wedge o kalang sa mga gulong ng truck.
Batay sa ulat ng pulisya, ang nasawing biktima ay isang first year student na idineklarang dead-on-the-spot. Habang ang apat pang estudyante ay patuloy na ginagamot.
Nasa kostudiya na ng Indang Police ang driver ng truck.
Sa isang statement sa Facebook, labis ang pagdadalamhati ng Cavite State University sa nangyaring aksidente.
“We would like to assure the public that the University is providing the victims and their families with necessary assistance,” pahayag ng CvSU.
Gayundin, mahigpit na mino-monitor ng kanilang mga administrator ang mga kondisyon ng mga nasugatan estudyante habang tiniyak sa mga ito na ibibigay nila ang lahat ng kailangang suporta sa mga biktima.
Hinimok din ng pamunuan ng unibersidad ang publiko na iwasan na ang mag-share at mag-post ng mga hindi naberipikang impormasyon na maaaring magdulot sa iba ng tinatawag na secondary trauma.
“We are asking for prayers as the respective families and the whole CvSU community go through this difficult time,” dagdag pa ng CvSU.




Comments