Inang kalikasan, protektahan at pagmalasakitan
- BULGAR
- Jul 7, 2024
- 3 min read
Updated: Jul 9, 2024
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 7, 2024

Isa sa mga ahensya ng pamahalaan na sinikap kong tulungan ay ang DENR. Nakilala natin at maaari pa nating sabihing naging kaibigan ang ilang kalihim ng naturang ahensya.
Nakilala at mga naging kaibigan natin sina DENR Sec. Bebet Gozun, Ramon Paje at Gina Lopez. Maski na paano, dahil nakakausap at nakakasama sa ilang mga makabuluhang pagkilos para sa kalikasan at kapaligiran ang mga kalihim ng DENR, naramdaman natin at ng ibang kasamahan ang pag-asa para sa Inang Kalikasan.
Ngunit, kung may mga mahuhusay na kalihim ng isang ahensya, meron ding kabaliktaran nito. Hindi ko nais banggitin ang mga pangalan, pero merong mga panahon ng mga nakakadismayang kalihim. Natawag ko pang “Three Stooges” ang tatlong nagsunud-sunod na humawak sa napakahalaga at napakaselang ahensya.
Ang isa ay mas mahilig sa boxing kaysa sa kalikasan. Tuwing may laban ang isang sikat na boksingerong Pinoy, wala siya sa ahensya at naroroon siya sa bansa kung saan may laban ang kanyang mahal na boksingero.
Reklamo raw ng mga taga-DENR, pati ba naman ang boksing ay ipipilit sa ahensyang walang kinalaman sa anumang paraan sa boksing. Dahil madalas manalo ang boksingerong sikat, pag-uwi ng naturang kalihim sa ahensya, isasama umano nito ang boksingero sa DENR, kung saan merong “heroes’ welcome na naghihintay.”
Ang pangalawa ay kahina-hinala dahil napakalinaw ng kanyang pagpabor sa pagmimina. Noong panahon ng kalihim na ito, napakaraming mga “mining permits” na pinagkaloob ng DENR. At nasaan na ang naturang kalihim, tila nakaupo sa board ng iba’t ibang korporasyon ng pagmimina. Hindi ba’t ang pangunahing misyon ng ahensya ay ang protektahan ang kalikasan? Paano nagkaroon ng kalihim sa ahensya na bukas na bukas ang sarili, at higit sa lahat ang kanyang bulsa sa pagmimina?
Ang pangatlo naman ay sundalo na sanay na sanay siyempre na makipagdigma. Ano ang kinalaman ng baril, eroplano at tangke de giyera sa kalikasan?
Sa giyera, malinaw ang napakalalim at napakaraming “collateral damage” na tinatamo ng kalikasan. Tuwing nagre-release ng bomba, saan bumabagsak? Isipin na lang natin ang giyera sa Marawi noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ano ang nangyari sa kalikasan nang pinakawalan ang maraming bomba na sumira sa mga gusali at nasawing mga mamamayan? Hindi ba’t nagdusa rin ang kalikasan? Bakit sundalo ang inilagay na kalihim sa ahensya?
Matagal nang nanganganib ang Masungi Georeserve sa Tanay. Nais nang bawiin ng DENR ang pahintulot na ipagamit ang malaking bahagi ng kabundukan ng Tanay para sa mga “environmentally friendly activities” na nakakatulong hindi lang sa turismo kundi, higit sa lahat sa kalikasan. Ngunit, may mga lihim na kamay na humihimas sa mga nasa itaas dahil siguro may interes ang mga ito sa kung ano ang meron sa Masungi.
Maraming mga grupong tumututol at nagsisikap na hingin na pahintulutang ipagpatuloy na gamitin ang Masungi para sa mga gawaing makabubuti para sa proteksyon at pagtataguyod ng kalikasan at kapaligiran sa Masungi Georeserve.
Ngunit, parang bingi at manhid ang ahensya sa mga mamamayang nagsasalita at ipinaglalaban ang isang bahagi ni Inang Kalikasan.
Nang magsalita ang sikat na artistang si Leonardo DiCaprio bilang pagsuporta sa pananatili ng Masungi Georeserve, doon nagkaroon ng ibayong sigla ang kampanya sa nanganganib na bahaging ito ng ating kapaligiran.
Sa kabilang banda, naririyan ang mananakop na dambuhalang China sa karagatan. At naririyan din at marami sila, ang mga mananakop sa loob. Sila ang mga kababayan natin na tila hindi bansa, hindi kalikasan, hindi mamamayan ang iniisip kundi ang sarili, ang pamilya at ang kanilang bulsa.
Madalas-dalas na rin nating marinig ang tawag sa DENR bilang “Destruction of the Environment and Natural Resources” dahil sa nakalulungkot na pagbebenta ng ating kapaligiran sa mga nagmimina, gumagawa ng dam, nagkukunwari, nagpuputol ng puno, gumagawa ng subdibisyon sa bundok, nagtatayo ng sari-saring mga resort na nakakasira sa kapaligiran tulad ng nangyari sa Chocolate Hills sa Bohol, at napakarami pang kung anu-anong mapanirang gawain na ganoon na lang payagan umano ng DENR.
Hindi na natin kailangan ang tulong ng isang Leonardo DiCaprio kung minamahal lamang ng lahat ang ating kalikasan. Dumating man ang mga mananakop, kailangang pairalin natin ang pagmamahal at pagmamalasakit sa ating karagatan. Magkaroon man ng mga korporasyon na sumisira sa ating kapaligiran at sinusugatan si Inang Kalikasan, matuto tayong umimik at kumilos o gumawa. Nararapat na pahalagahan natin at sama-samang protektahan ang ating kalikasan.
Commentaires