top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 7, 2024


Fr. Robert Reyes


Isa sa mga ahensya ng pamahalaan na sinikap kong tulungan ay ang DENR. Nakilala natin at maaari pa nating sabihing naging kaibigan ang ilang kalihim ng naturang ahensya. 


Nakilala at mga naging kaibigan natin sina DENR Sec. Bebet Gozun, Ramon Paje at Gina Lopez. Maski na paano, dahil nakakausap at nakakasama sa ilang mga makabuluhang pagkilos para sa kalikasan at kapaligiran ang mga kalihim ng DENR, naramdaman natin at ng ibang kasamahan ang pag-asa para sa Inang Kalikasan. 


Ngunit, kung may mga mahuhusay na kalihim ng isang ahensya, meron ding kabaliktaran nito. Hindi ko nais banggitin ang mga pangalan, pero merong mga panahon ng mga nakakadismayang kalihim. Natawag ko pang “Three Stooges” ang tatlong nagsunud-sunod na humawak sa napakahalaga at napakaselang ahensya.


Ang isa ay mas mahilig sa boxing kaysa sa kalikasan. Tuwing may laban ang isang sikat na boksingerong Pinoy, wala siya sa ahensya at naroroon siya sa bansa kung saan may laban ang kanyang mahal na boksingero.


Reklamo raw ng mga taga-DENR, pati ba naman ang boksing ay ipipilit sa ahensyang walang kinalaman sa anumang paraan sa boksing. Dahil madalas manalo ang boksingerong sikat, pag-uwi ng naturang kalihim sa ahensya, isasama umano nito ang boksingero sa DENR, kung saan merong “heroes’ welcome na naghihintay.”


Ang pangalawa ay kahina-hinala dahil napakalinaw ng kanyang pagpabor sa pagmimina. Noong panahon ng kalihim na ito, napakaraming mga “mining permits” na pinagkaloob ng DENR. At nasaan na ang naturang kalihim, tila nakaupo sa board ng iba’t ibang korporasyon ng pagmimina. Hindi ba’t ang pangunahing misyon ng ahensya ay ang protektahan ang kalikasan? Paano nagkaroon ng kalihim sa ahensya na bukas na bukas ang sarili, at higit sa lahat ang kanyang bulsa sa pagmimina?


Ang pangatlo naman ay sundalo na sanay na sanay siyempre na makipagdigma. Ano ang kinalaman ng baril, eroplano at tangke de giyera sa kalikasan? 


Sa giyera, malinaw ang napakalalim at napakaraming “collateral damage” na tinatamo ng kalikasan. Tuwing nagre-release ng bomba, saan bumabagsak? Isipin na lang natin ang giyera sa Marawi noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.


Ano ang nangyari sa kalikasan nang pinakawalan ang maraming bomba na sumira sa mga gusali at nasawing mga mamamayan? Hindi ba’t nagdusa rin ang kalikasan? Bakit sundalo ang inilagay na kalihim sa ahensya? 


Matagal nang nanganganib ang Masungi Georeserve sa Tanay. Nais nang bawiin ng DENR ang pahintulot na ipagamit ang malaking bahagi ng kabundukan ng Tanay para sa mga “environmentally friendly activities” na nakakatulong hindi lang sa turismo kundi, higit sa lahat sa kalikasan. Ngunit, may mga lihim na kamay na humihimas sa mga nasa itaas dahil siguro may interes ang mga ito sa kung ano ang meron sa Masungi.


Maraming mga grupong tumututol at nagsisikap na hingin na pahintulutang ipagpatuloy na gamitin ang Masungi para sa mga gawaing makabubuti para sa proteksyon at pagtataguyod ng kalikasan at kapaligiran sa Masungi Georeserve.


Ngunit, parang bingi at manhid ang ahensya sa mga mamamayang nagsasalita at ipinaglalaban ang isang bahagi ni Inang Kalikasan.


Nang magsalita ang sikat na artistang si Leonardo DiCaprio bilang pagsuporta sa pananatili ng Masungi Georeserve, doon nagkaroon ng ibayong sigla ang kampanya sa nanganganib na bahaging ito ng ating kapaligiran.


Sa kabilang banda, naririyan ang mananakop na dambuhalang China sa karagatan. At naririyan din at marami sila, ang mga mananakop sa loob. Sila ang mga kababayan natin na tila hindi bansa, hindi kalikasan, hindi mamamayan ang iniisip kundi ang sarili, ang pamilya at ang kanilang bulsa.


Madalas-dalas na rin nating marinig ang tawag sa DENR bilang “Destruction of the Environment and Natural Resources” dahil sa nakalulungkot na pagbebenta ng ating kapaligiran sa mga nagmimina, gumagawa ng dam, nagkukunwari, nagpuputol ng puno, gumagawa ng subdibisyon sa bundok, nagtatayo ng sari-saring mga resort na nakakasira sa kapaligiran tulad ng nangyari sa Chocolate Hills sa Bohol, at napakarami pang kung anu-anong mapanirang gawain na ganoon na lang payagan umano ng DENR.


Hindi na natin kailangan ang tulong ng isang Leonardo DiCaprio kung minamahal lamang ng lahat ang ating kalikasan. Dumating man ang mga mananakop, kailangang pairalin natin ang pagmamahal at pagmamalasakit sa ating karagatan. Magkaroon man ng mga korporasyon na sumisira sa ating kapaligiran at sinusugatan si Inang Kalikasan, matuto tayong umimik at kumilos o gumawa. Nararapat na pahalagahan natin at sama-samang protektahan ang ating kalikasan.


 


 
 
  • BULGAR
  • Nov 27, 2023

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 27, 2023


Bagama’t ngayong linggo ang huling linggo ng karaniwang panahon, napakahalaga nito, sapagkat ngayon ang Kapistahan ni Kristong Hari.


Si Kristo bilang hari ay ibang-iba sa karaniwang larawan ni Kristo bilang nagdurusang lingkod, anak ng karpintero, anak ng Birheng Maria, inosenteng hinatulan ngunit walang imik sa harapan ni Pilato, ang Diyos na nakabayubay sa krus sa pagitan ng dalawang magnanakaw, “Santo Entiero” o banal na bangkay ng Panginoon o dili kaya ang Santo Niño o Banal na Sanggol.


Ang istorya ng Panginoong Hesu-Kristo ay ang istorya ng nagkatawang-taong Anak ng Diyos.


Mayaman ang apat na ebanghelyo ayon kina San Marcos, Lucas, Mateo at Juan sa mga ginawa, nakasama, sinabi, pinagaling, iniligtas sa masasamang espiritu at ang kuwento ng isang mabuti at masunuring anak ni Jose at Maria. Mabuti at napakaganda ng lahat nang ito. Malaking tulong sa pagpapalalim ng pagkilala at pagsunod sa Diyos at malaking tulong sa paglago sa ating pagkatao maging sa ating pagiging mga nilikhang anak ng Diyos.


Ngunit, napakahalagang palalimin din natin ang pagkilala kay Kristo bilang hari ng mga hari, hari ng kalikasan at ng sang-nilikha. Si Kristo ang haring alpha at omega, ang simula at katapusan ng lahat.


Natapos nitong Sabado ng umaga ang isang napakasaya’t napakamakahulugang misa sa EDSA Shrine. Ito ang pinakaunang misa ng pasasalamat para kay dating Senadora Leila De Lima sa isang linggo niyang paglaya. Maikli ngunit, malalim ang pagbabahagi ni Leila tungkol sa kanyang pinagdaanan sa kulungan sa nakaraang anim na taon, walong buwan at dalawampu’t isang araw.


Ibinahagi niya ang kanyang araw-araw na pagharap sa pag-iisa na siyang naging guro niya sa pagpapalalim ng kanyang pananampalataya sa Diyos. Isang napakasimple at halos hindi mo mapapansin na detalye sa pang-araw-araw na buhay ni Leila ay ang hawak-hawak nitong “palm cross” o krus na kasyang-kasya sa palad ng kamay. Tuwing nagmimisa kami para kay Leila sa Kampo Crame, laging dala-dala niya ang munting krus. Minsan hawak niya ito. Minsan ilalapag niya ito sa altar para mabasbasan at madasalan.


“Tatlo ang maaari nating ialay sa ating Panginoon. Ang ating pawis, luha o kung hihingin Niya, ang ating dugo. Inialay ni Leila ang dalawa, pawis at dugo sa maraming araw, gabi, linggo, buwan at taong kanyang tiniis sa loob ng piitan,” ito ang ilang ibinahagi ni Obispo Teodoro “Ted” Bacani.


Tiniis ni Leila ang lahat dahil sa kanyang malalim at higit pang lumalim na pananampalataya sa ating Panginoong Hesu-Kristo.


Ngayong huling linggo ng karaniwang panahon ay ang Kapistahan ni Kristong Hari.


Nagulat na lang ako sa biglang pagbungad sa social media ng istorya ni Padre Miguel Pro ang batang-batang paring pinapatay umano ni Presidente Plutarco Elias Calles ng Mexico noong Nobyembre 23, 1927. Kauuwi lang ni Padre Miguel mula sa kanyang pag-aaral sa España. Kainitan noon ng Rebelyon Cristero ng mga militanteng Katoliko na nilalabanan ang panggigipit sa mga Katoliko.


Lihim na nagmimisa si Padre Miguel ngunit, ang isang pinagtiyagaan niyang gawin ay ang magpakain ng mga nagugutom. Pinagbintangan si Padre Pro at ang kanyang dalawang kapatid sa pagtangkang patayin si Alvaro Obregon, dating pangulo ng Mexico.


Naabsuwelto ang isang kapatid ni Padre Miguel pero hindi ang pangalawa. Kaya’t dalawa silang magkapatid na binaril.


Bago barilin si Padre Miguel, nakiusap itong lumuhod at halikan ang krus. At nang matapos siyang magdasal, tumayo ito at humarap sa mga sundalo na walang piring (pakiusap ni Padre Miguel na pinagbigyan). At bago ito binaril hawak-hawak ang rosaryo sa isang kamay at ang krus sa kabila, inilahad niya sa hugis ng krus ang kanyang mga braso’t kamay at nagdasal ito ng ganito: “Kaawaan kayo ng Diyos. Basbasan kayo ng Diyos.


Panginoon alam mong inosente ako. Buong puso kong pinatatawad ang aking mga kaaway”.


At nang babarilin na siya, itinaas niya ang kanyang mga kamay at isinigaw na, “Viva Cristo Rey. Mabuhay si Kristong Hari!”


Tulad ni Padre Miguel Pro, si Leila, pati na rin kaming lahat ay sisigaw din ng, “Mabuhay, Kristong Hari! Mabuhay si Kristong Hari!”


 
 
  • BULGAR
  • Oct 10, 2021

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 10, 2021



Ibang-iba na ang Senado ngayon kumpara sa Senado noong simula ng administrasyong ito. Wala pang isang taon pagkalipas ng pambansang halalan noong Mayo 2016, naipakulong na si Senator Leila de Lima. At napakalinaw kung bakit ganun na lang kabilis ang panggigipit at pagtugis sa senadora mula sa mga hearings sa Kongreso hanggang sa pag-isyu ng arrest warrant laban sa kanya batay sa hindi pa napapatunayang alegasyong “sangkot ito sa ilegal na droga.” Tahimik ang karamihan ng mga senador. Iilan lang ang tumututol, kasama na sina Drilon, Hontiveros at Pangilinan.


Nang nagsimula ang trabaho ng Senado ng ika-18 Kongreso, malinaw ang hindi madaling trabaho ng oposisyon dahil aapat lang ito laban sa dalawang pung kasama o sumusuporta sa Administrasyon.


At dahil kasisimula pa lamang ng termino ng bagong pangulo, na mabangung-mabango pa sa mga sumuporta sa kanya, tahimik, pigil at sukat na sukat ang pananalita at pagkilos ng mga senador. Hindi man pinatawag ng Pangulo ang mga senador sa Malacañang o pinigilan ang mga ito na magsalita o makialam malinaw na malinaw na wala kundi ang apat na Senador ng oposisyon ang nagsasalita at naninindigan sa malinaw na isyu na naghuhumiyaw na mabigyang-pansin. Nang sinimulan nang murahin,insultuhin at paratangan ng kung anu-anong akusasyon si Sen. Lima hindi pinagtanggol ito ng nakararami sa mga senador na bumubuo ng Senado. Kaya patuloy ang mga planadong pangyayari na humantong sa madilim na araw ng pag-aresto sa inosenteng senador noong ika-24 ng Pebrero 2017.


Mabilis ang mga pangyayari mula nang ihain ang senadora noong ika-13 ng Hulyo 2016 ang Senate resolution na imbestigahan ang mga kaso ng Extrajudicial Killings noong Mayor ng Davao si Rody Duterte.


Mula noon sunud-sunod na ang demolition job laban sa senadora. Inilabas na ang kaugnayan nito sa kanyang dating drayber na diumanong kumukolekta ng donasyon mula sa mga drug lords para sa kanyang kampanya sa pagka-senador. Lumabas din ang matrix na sinasangkot ito sa ilegal na droga hanggang sa tumestigo na rin ang mga high-profile drug convicts sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa laban sa Senadora.


Tinanggal pa rito ang Committee on Justice and Human Rights nang imungkahi ni Senador Manny Pacquiao na ibakante ang buong Kumite. Kaya pinalitan ni Senador Dick Gordon ang Senadora sa pamumuno sa saturang kumite.


At ngayon, isa-isa nang umaalma ang mga tahimik na senador noong batang-bata pa ang kasalukuyang administrasyon. Hindi lang matanda na at halos matatapos na ang termino ng Pangulo, ngunit tila takot na takot na ito dahil sa patuloy na pag-uungkat ng posibleng kaugnayan nito sa iskandalo ng bilyones na korupsiyon ng Pharmaly.


Simula pa lamang ng pangangampanya nang magbitiw na ng maaanghang na salita ang isang kandidato sa pagka-Pangulo laban kay VP Leni Robredo at tinawag itong peke dahil sa pagpili nito ng kulay ng kanyang kampanya.


Ito ang problema, matagal nang pinagtatalunan ang kulay ng pulitika. Pula, dilaw, blue, green, violet o pink ba ito? Ang kulay ba ng pulitika ang higit na mahalaga o ang kulay ng katotohanan.


Ang kumukulay sa pulitika ay ang pagtingin at kahandaang ipagtanggol, panindigan, ipaglaban at higit sa lahat isabuhay ang katotohanan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page