In-expose ni P-Digong na nadawit sa korupsiyon ang ilang cong., pinagpipyestahan na ngayon

Updated: Jan 8, 2021
ni Ka Ambo - @Bistado | January 2, 2021
Nagkaletse-letse na naman ang speech ni P-Digong.
Pinagpipyestahan ang kanyang in-expose kung saan nadawit ang ilang kongresista!
◘◘◘
Kahina-hinala ang biglang paglalabasan ng mga pangalan ng ilang mambabatas na itinuturong sabit umano sa korupsiyon sa Department of Public Works and Highway (DPWH).
Pinagbasehan dito ang report ng Presidential Anti-Corruption Commission.
Pero mismong ang Malakanyang din ang nagsabi, wala pang matibay na ebidensiya laban sa mga mambabatas kaya hindi pa raw agad ito dapat paniwalaan!
◘◘◘
Kabilang sa isinangkot sa kontrobersiya ay sina ACT-CIS party list Rep. Eric Yap; Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman; Isabela 4th District Rep. Alyssa Tan; at Misamis Occidental 2nd District Rep. Henry Oaminal.
Isinabit din sina Northern Samar 1st District Rep. Paul Daza; Occidental Mindoeo Rep. Josephine Sato; Quezon 4th District Rep. Angelina Helen Tan; Quezon city 5th District Rep. Alfredo Vargas at dating Ifugao Rep. Teodoro Baguilat, Jr.
◘◘◘
Ang problema, kinukuwestiyon ito dahil wala namang ipinrisintang ebidensiya laban sa mga mambabatas.
Galing ang mga pangalan kay PACC Commissioner Greco Belgica, na siyang inatasan ni Pangulong Duterte para imbestigahan ang korapsyon sa DPWH!
◘◘◘
Pero hindi ba dapat bago ilabas ang mga pangalan ng mga mambabatas ay merong matibay at sapat na ebidensiya laban sa mga ito?
Lumaki tuloy ang hinala ng ilan nating nakakuwentuhan na tila gusto lamang matabunan ang lumamalaking isyu tungkol sa kasong kinahaharap ngayon ni Belgica sa Ombudsman!
◘◘◘
Matatandaang si Belgica ay pinakakasuhan ng kriminal at administratibo ng mga kawani ng Duty Free Philippines Corp. (DFPC) dahil umano ginagamit nito ang kasong isinampa nila sa kanilang management para makakuha ng koneksiyon dito para sa kanyang personal na interes.
Nakita raw si Belgica na namimigay ng mga relief goods na galing sa grocery chain sa pamamagitan ng DFPC sa mga biktima ng kalamidad!
◘◘◘
Kung totoo ito, tagumpay si Belgica dahil natabunan nga ang isyu laban sa kanya.
Mahaba pang isyu ito na tiyak na sasapaw sa panibagong sigwada ng covid sa bungad ng taong 2021.
He-he-he!





Comments