Imus at Nueva Ecija, Entra na sa semifinals ng MPBL
- BULGAR
- Dec 23, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 23, 2021

Nakapasok ang Buracai de Laiya-Imus at Nueva Ecija Rice Vanguards sa semifinals ng Chooks-To-Go Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Invitational 2021 matapos ang hiwalay na panalo Martes ng gabi sa MOA Arena. Nilaro ang semis kagabi at ang mga magwawagi ay magtatapat ngayong araw para sa kampeonato at P2-M simula 7:30 ng gabi sa parehong palaruan.
Ginulat ng Imus ang LCC Malls-Bicol Volcanoes, 74-57, kung saan linimitahan ng depensa ang Bicol sa anim na puntos lang sa fourth quarter. Umarangkada ang Imus para sa 16 sunod-sunod na puntos sa likod nina Ian Melencio, Kurt Reyson at Leo Najorda upang itayo ang 74-55 na siya ring pinakamalaki nilang lamang.
Hinirang na Best Player si Najorda na nagtapos na may 23 puntos. Sinundan siya nina Melencio at Genmar Bragais na parehong may tig-11 puntos. Sa ika-apat at huling quarterfinal, madaling pinauwi ng Rice Vanguards ang Iloilo United Royals, 84-67.
Winasak ng Nueva Ecija ang huling tabla ng 6-6 sa walong magkasunod na puntos upang lumayo, 14-6, at hindi na lumingon pa.
Nagtala ng isa pang double-double si Best Player Michael Mabulac na 17 puntos at nanatiling perpekto ang Nueva Ecija sa limang laro. Pumukol ng apat na three-points si Byron Villarias para sa 16 puntos.
Ang Imus at Nueva Ecija ang magtutuos para sa isang upuan sa championship. Ang kabilang semifinal ay sa pagitan ng parehong walang talong Jumbo Plastic Medical Depot-Basilan at Sta. Lucia-Pasig Realtors.
Samantala, bilang pagpupugay sa kontribusyon sa basketball, higit sa larangan ng coaching, ipinahayag ng Chooks-to-Go MPBL na ipapangalan sa maalamat at pamosong coach na si Edmundo "Ato" Badolato ang parangal na ‘Coach of the Year’ award.
Ang "Ato Badolato Coach of the Year" award ay ipagkakaloob sa head coach ng champion team sa kasalukuyang 2021 Chooks-to-Go MPBL Invitational Tournament na magtatapos ngayon.
Pumanaw kamakailan ang 74-anyos na si Badolato. Ayon kay Chooks-to-Go Sports and Marketing Director Mel Macasaquit, hindi siya mapapabilang sa mundo ng sports kung hindi kay Badolato.





Comments