‘Importation mentality’ sa mga opisyal ng gobyerno
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | February 13, 2022
Lumaki ako sa Malabon na isa sa mga kilalang bagsakan ng isda. Sa dami ng isdang binabagsak sa Malabon, isinilang ang iba’t ibang kompanya na gumagawa ng patis at bagoong.
Isa sa pinakakilalang gumagawa ng masarap na patis ay ang Rufina Patis. Hindi kalayuan sa Rufina Patis sa kilalang kalye Letre papuntang kabayanan ng Malabon ay ang popular na restoran na kilala sa pangalang “Fish Fun”. Kakaibang restoran ito. Puwedeng manghuli, mambingwit ng isda na puwedeng ipaluto o iuwi. Hindi ko maalala kung ilang ulit kaming apat na magkakapatid na dinala ng aming mga magulang upang mangisda at kumain sa “Fish Fun.” At nagkataon namang nagtatrabaho ang aking ama sa American President Lines, isang kompanya ng barko na matatagpuan sa tabi ng Philippine Coast Guard at Manila Hotel.
Madalas din isama kaming magkakapatid ng aming ama sa kanyang opisina tuwing Sabado.
Dalawa ang maaari naming daanan papuntang South Harbour kung nasaan ang opisina ng aming ama. Una, maaari kaming dumaan sa Avenida na ngayon ay dinaraanan na ng LRT hanggang Baclaran. Mula Avenida tumutuloy kami sa Binondo at lalabas sa Santa Cruz para dumaan sa Jones Bridge papuntang Luneta at South Harbour.
Masaya ang aming Sabado dahil sa dami ng aming pasyal sa Manila Bay Breakwater upang langhapin ang sariwang simoy ng hangin na lasang-lasa ang kaalatan ng dagat. Ganito ang aking kamusmusan at kabataan. Ganitong nahubog at naging matatag ang aking kaalaman sa kayamanan ng Pilipinas sa maraming bagay. Mayaman at mataba ang ating kalupaan, gayundin ang kabundukan. Mayaman at snapakaraming isda sa ating karagatan. Masuwerte at tunay na pinagpala ang Pilipinas — ang mga Pinoy.
Ngunit sa paglipas ng panahon, sa ilalim ng iba’t ibang administrasyon, unti-unting humina ang produksiyon ng palay. Bakit? Kailangan pa bang i-memorize ‘yan sa dami ng land conversion na hinihingi sa Department of Agrarian Reform (DAR) at Department of Agriculture (DA) ng malalaking may-ari ng subdivision. At para maging madali, huwag nang piliting magkaroon ng higit na produksiyon ng palay. Eh, puwede namang mag-import, kaya’t ating naranasan ang sunud-sunod na pag-import ng karneng baka at baboy at bigas.
At upang makumpleto na ang larawan ng importasyon, humihingi sa Senado ang DA at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng pahintulot na mag-angkat ng 60-M metric tons ng isda mula sa China. Mabuti na lang at tinutulan ito ng kilalang Senadora na inakusahan ang ilang institusyon sa pagkakaroon ng mga “importation mentality.”
Inakusahan ni Senadora Cynthia Villar ang BFAR at DA sa pagkakaroon ng mga ito ng “importation mentality.” Tama rin naman kung naniniwala talaga si Senadora Villar na higit na kailangan tulungan, palakasin at protektahan ang ating mga karagatan at mangingisda sa maling gawain sa ating mga karagatan at sa patuloy na panghihimasok ng China. Hindi natin naiintindihan ang kanyang sinabing “importation mentality” tungkol sa isda, samantalang dahil sa Rice Tariffication Law, napilitang mag-angkat ng pamahalaan ng bigas. Bakit hindi siya nag-ingay noon at nagtanong, “Bakit kayo merong importation mentality?”
Nakalulungkot ang sarsuwelang nagaganap sa pamahalaan minsang tila nagmamalasakit para sa ating likas yaman, samantalang, sila-sila rrin naman ang nagpapabaya sa pagtaguyod at pagtatanggol nito?
Ano’ng nangyari sa ating likas yaman sa lupa, tubig at kalawakan? Sabi ninyo ang problema ay ang importation mentality ng ilang ahensiya. Ngunit, sino ba ang nakapagbibigay ng pahintulot, ng Certificate of Necessity to Import, CNI? Hindi ba’t kayo, na mga opisyal ng gobyerno?





Comments