top of page
Search
  • BULGAR

Imbestigasyon sa pagkamatay kuno sa COVID-19 ng mga bigtime inmates, now na!

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | July 25, 2020


Pumalag si BuCor Director General Gerald Bantag sa mga nagdududa sa pagkamatay ng mga high profile inmates tulad ni Jaybee Sebastian, ang tumestigo laban kay Se. Leila de Lima. Iginiit nitong dapat nagtitiwala ang taumbayan sa mga opisyal ng gobyerno.


Pinalagan nito ang mga nagduda sa pagkamatay ng mga itinuturing na “bigtime inmates”. May pagmumura pa ito habang ipinagtatanggol ang sarili.


Ito ang reaksiyon ng aroganteng opisyal — imbes na magpasailalim sa imbestigasyon mapatunayan ang katotohanan at malinis ang kanilang pangalan mula sa mga pagdududa ng mamamayan, tila nagmamataas pa siya.


Huwag nating kalimutan na New Bilibid Prisons ang pinag-uusapan dito kung saan sa mga nagdaang taon ay napakaraming anomalya ang naungkat, kabilang ang mga pansamantalang pinalalabas na bilanggo, ang mga kulungan na daig pa ang maraming tahanan sa ganda ng kagamitan at kailan lamang ay ang kontrobersiya sa Good Conduct Time Allowance sa mga hindi karapat-dapat na hanggang ngayon ay tila hindi pa inaaksiyunan.


Kaya hindi puwedeng sabihin ni Bantag na dapat nagtitiwala ang mamamayan sa kanila — sila ang dapat magpatunay na mapagkakatiwalaan sila.


Hindi niya inilabas ang mga pangalan ng mga namatay na inmates, kahit malinaw na may mga proseso para ipaalam sa mga kaugnay na ahensiya. Ipina-cremate niya agad at iniutos pa na huwag nang buksan ang mga bag na kinalalagyan umano ng mga bangkay nila.


Nagbanggit pa ng batas para ipagtanggol ang kanyang ginawa o hindi ginawa na agad namang pinabulaanan ng isang opisyal. Kaya mali ang kanyang interpretasyon. Walang ipinakitang patunay na patay na nga tulad ng mga litrato.


Paano malalaman kung talagang namatay na kung abo na lang ang natitira at hindi na makuhanan ng fingerprints? At walang testigo sa pagkamatay ng mga bilanggo, kahit ang mga kamag-anak. Sino naman ang hindi magdududa r’yan?


Sa kabila nito, handa naman ang mga mambabatas na imbestigahan ito nang husto. Masyado nang maraming tanong na kailangan ng kasagutan bago pa matabunan na naman ng ibang isyu. Imbestigahan ang mga kailangang imbestigahan. Kung tunay silang walang nilabag o walang kabulastugan, malalaman natin ‘yan. Hindi lahat nakukuha sa pagmumura.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page