top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Imbestigahan ang pangungumpiska ng mga produkto ng CIDG

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 11, 2021
2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | December 11, 2021



LIHIM bang namamasko ang CIDG nang magsagawa ng illegal search sa Maynila?


Namumutla pa rin sa takot ang mga empleyado sa isang gusali Lavezares Street, Binondo, Manila dahil sa nangyaring pagsalakay.


◘◘◘


BIGLA umano kasing pumasok nang walang ipinakitang search warrant ang tropa ni Police Major Merben Bryan L. Lago, ng Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR), sa Sunjoy Tower.


Armado ng baril ang mga operatiba ng CIDG.


◘◘◘


NAIS kumpiskahin ng CIDG ang bultu-bultong stocks ng Wawang Katol na umano’y walang permit mula sa Food and Drug Administration (FDA).


Kung bawal ang produktong walang approval ng FDA ay puwede itong kumpiskahin pero dapat may proseso, tulad paghahain ng search warrant.


◘◘◘


BANDANG ala-1:45 ng hapon nang pasukin ng CIDG ang naturang gusali.


May kasama silang asset o boy na itinuro ang kinaroroonan ng mga umano’y ilegal na produkto.


◘◘◘


SIYEMPRE, hinarang sila ng mga guwardiya sa gusali para alamin kung ano ang kanilang pakay.


Nagpakilalang operatiba ng CIDG ang grupo pero wala silang maipakitang ‘search warrant’.

◘◘◘


IKUNATWIRAN ng grupo na hindi na kailangan ng ‘search warrant’ kasi ‘follow up operation’ daw iyon.


Pero sabi ng ating source, mabuti at hindi nagkabarilan dahil ang unang akala ng mga guwardiya sa gusali ay pinasok na sila ng armadong kalalakihan.


◘◘◘


TINANGKA ring sirain ang pintuan ng Unit 1001 nang hindi sila pagbuksan ng mga katiwala ng bodega.


Bandang alas-3:00 na ng hapon dumating ang Barangay Chairman ng Bgy. 281 na ginawang saksi habang sinasamsam ang mga ilegal na produkto.


◘◘◘


ANG tanong: may nilabag bang batas sa ‘mala-akyat bahay style’ na operasyon ng pulisya?


Karamihan umano sa mga taong naroon ay tinakot pa ng mga pulis na isasama silang lahat sa Camp Crame kung hindi ituturo ang may-ari ng bodega.


◘◘◘


SANA ay malinawan ito mula mismo sa hanay ng PNP, lalo na kay Maj. Gen. Albert Ferro na siyang CIDG chief.


Sana rin ay makarating agad ito sa kaalaman ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos.


◘◘◘


SA panahon ni dating PNP chief Guillermo Eleazar ay walang ganyan kagrabe na pang-aabuso ng mga pulis.


Sana’y imbestigahan agad ito para lumitaw ang katotohanan at tunay na motibo ng CIDG.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page