Imbes na dagdag-tax, tanggalan ng pork barrel ang mga Sen. at Cong.
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | July 17, 2022
PAHIRAP SA MAMAMAYAN ANG DAGDAG-TAX AT KUNG NAIS MAGKAROON NG PONDO NI PBBM, TANGGALIN NIYA ANG PORK BARREL—Upang magkaroon ng karagdagang pondo ang pamahalaan ng Marcos administration ay kung anu-anong dagdag at pagpapataw ng bagong tax ang iminumungkahi ni Finance Sec. Benjamin Diokno kay Pres. Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
Kapag dagdag at bagong tax ang pinag-usapan, sapol d'yan ang mamamayan, dagdag-pahirap 'yan sa mamamayan.
Sana, ang imungkahi na lang ni Sec. Diokno kay PBBM ay tanggalin ang multi-billion peso pork barrel projects at ito ang gawing pondo.
◘◘◘
TUMAAS NA ANG PRESYO NG BIGAS, KAYA HUWAG UMASANG MAGIGING P20 PER KILO PA ITO—Tumaas ng P3 ang per kilo ng bigas sa bansa at dahil d'yan ay nasa P30 hanggang P40 na ang per kilo ng mga regular na milled na bigas, P42 per kilo naman sa mga well-milled at P46 per kilo ang premium at P50 naman ang special.
Dahil tumaas at hindi bumaba ang presyo per kilo ng bigas, nangangahulugan ito na hindi na dapat pang asahan ng mamamayan na magiging P20 per kilo ang bigas, tulad ng ipinangako ni PBBM noong campaign period!
◘◘◘
KUNG HINDI MAKOKONTROL ANG PRESYO NG FEEDS AT PATUKA SA MANOK, POSIBLE TALAGANG PUMALO SA P15 PER PIRASO NG ITLOG—Nagbabala ang Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) na dahil sa pagtaas ng production cost ay puwedeng pumalo mula P10 hanggang P15 ang bawat piraso ng itlog kung hindi makokontrol ng pamahalaan ang pagtaas ng presyo ng mga feeds o pagkaing patuka sa mga manok.
Nakupo, dapat tutukan ng pamahalaan ang problemang 'yan sa feeds o pagkaing patuka sa mga manok kasi kung hindi magkakaroon ng price control ang gobyerno, posible talagang mangyari na pumalo hanggang P15 ang presyo ng kada piraso ng itlog!
◘◘◘
UNFAIR SA MGA BATANG MAG-AARAL NA BAKUNADO ANG DISKARTE NI SARA SA FACE-TO-FACE CLASS—Sabi ni Vice-President, Education Sec. Sara Duterte-Carpio, sa pinaiiral na face-to-face class ay hindi mandatory ang pagpapabakuna sa COVID-19 ng mga batang mag-aaral.
Sablay ang diskarte ni VP, DepEd Sec. Sara kasi unfair sa mga batang bakunado.
Dapat ang maging diskarte ni VP, DepEd Sec. Sara ay 'yung mga batang mag-aaral na bakunado ay puwede sa face-to-face class at ang mga batang hindi bakunado ay mag-aral sa online class!





Comments