top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Imbes manood ng basketball, tutukan ng mga mambabatas ang problema ng bansa

BULGAR
Sep 3, 2022
3 min read

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | September 3, 2022


PAGLILINAW NI PRINCIPAL EDA BANAGA, WALA PANG KURYENTE AT TUBIG ANG DALAWANG BAGONG GUSALI NG SAN FRANCISCO HIGH SCHOOL, KAYA HINDI PA ITO PUWEDENG GAMITIN NG MGA ESTUDYANTE—Sumulat sa inyong lingkod si Principal Edna Banaga ng San Francisco High School ng Quezon City tungkol sa inilathala natin noong Aug. 29 na imbes gawing classrooms ay ginawang division office at tambakan ng school supplies ang dalawang bagong gusali ng paaralan at bilang bahagi ng patas na pamamahayag ay binigyang-linaw ng principal na wala pa umano kasing kuryente at tubig ang mga bagong gusali, kaya hindi pa ito puwedeng ipagamit sa mga batang mag-aaral at pansamantala ay dito muna inilagay ang mga school learning materials, kabilang ang mga modules na idi-distribute sa may 11, 000 estudyante ng eskwelahan.


'Yun naman pala, eh, kaya't ngayon ay alam na ng ilang parents ang dahilan kung bakit hindi pa naipagagamit na classrooms ang dalawang bagong gusali, period!


◘◘◘


DAPAT KUNG ANO’NG BUDGET NA IBINIGAY NOON KAY EX VP LENI, GANUN DIN ANG IBIGAY KAY VP SARA—Hindi dapat palusutin ng mga mambabatas ang hirit na mahigit P2.3 bilyong budget ng Office of the Vice-President dahil hindi naman rich ang Pilipinas para magkaroon ng nakalululang budget ang OVP, na ang tanging mandato lang naman ay waiting, na siya ang papalit na pangulo kung sakaling ito ay yumao, mabalda, mag-resign at mapatalsik.


Dapat kung ano’ng budget na inaprub ng mga kongresista at senador kay former VP Leni Robredo ay ganun din ang ibigay nila kay VP Sara, mahigit P700-M lang ang ibinigay nilang budget noon kay ex-VP Leni, kaya’t dapat ganyan din ang pondo na ibigay kay VP Sara.


◘◘◘


NAPAKASUWERTE NI VP SARA KASI MAY P2.3-B BUDGET NA SIYA SA OVP AT P710.6-B BUDGET SA DEPED, MAY P500-M PA SIYANG CONFIDENTIAL FUND—Hindi na dapat pang humirit ng multi-billion peso budget si VP Sara sa kanyang OVP kasi bilang kalihim din ng Department of Education (DepEd) ay may multi-billion peso budget din siya na worth P710.6 bilyon.


Sa totoo lang, isa si VP Sara sa napakasuwerte sa panahon ngayon ng Marcos administration, mantakin n’yo, may multi-billion budget na siya sa OVP at multi-billion budget sa DepEd, tapos meron pang isang hinirit, na magkaroon din siya ng P500 milyong confidential funds.


◘◘◘


HINDI BABABA ANG PRESYO NG MGA BILIHIN AT BAYARIN SA PANONOOD NG MGA GOV’T. OFFICIALS SA BASKETBALL—Inanunsyo ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nitong August ay pumalo na sa 6.7% ang inflation rate.


Ibig sabihin, ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin ay mananatili hanggang ngayong Setyembre.


Hindi na joke ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin, lalo na’t ang daming nawalan ng trabaho ngayon at sana ay ang mga opisyal gobyerno ay d'yan magpokus at hindi ang panonood ng basketball ng Gilas team ang inaatupag kasi ang panalo ng basketball team ay hindi makatutulong sa hirap na dinaranas ngayon ng mga Pinoy.


◘◘◘


'SUNTOK SA BUWAN' ANG P20 PER KILO NG BIGAS—Ayon sa asosasyon ng mga magsasaka na Samahang Industriya sa Agrikultura (SINAG) ay maaari raw madagdagan ng P3 hanggang P4 ang presyo ng per-kilo ng bigas dahil hindi natupad ng Department of Agriculture ang pangakong cash aid sa mga magsasaka.


Dahil d'yan ay huwag nang umasa sa pangako ni Pres. Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na gagawin niyang P20 per kilo ng bigas kasi sa totoo lang ay "suntok na sa buwan" para matupad pa ito.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page