IM Garcia champ sa Battle of the GM's, GM Laylo 2nd
- BULGAR

- 1 day ago
- 2 min read
by Elyssa Nichole @Sports News | July 3, 2026

Photo: Itinanghal na kampeon si International Master Jan Emmanuel Garcia sa huling round kontra Ruelle Canino sa pagtatapos ng 2026 National Chess Championships Battle of the GM's na iginawad nina First Asia's GM Eugene Torre at Jose Rafael representative ng AQ Prime Chess at NCFP CEO GM Jayson Gonzales sa PACE Philippine Academy Chess Excellence, Mindanao Avenue Quezon City kagabi. (Reymundo Nillama)
Nasilo ni International Master Jan Emmanuel Garcia ang korona sa Battle of the Grandmasters matapos nitong makipaghatian ng puntos kay Ruelle Canino sa 13th at final round kahapon na nilaro sa PACE sa Quezon City.
Nakalikom si 29-year-old Garcia ng 9.5 points matapos ang 30 moves ng Slav kontra Canino upang masolo ang liderato at makasama sa Philippine Chess team na lalaro sa World Chess Olympiad sa Setyembre sa Samarkand, Uzbekistan.
Tatlong slots ang nakalaan kaya swak din si GM Darwin Laylo dahil nasungkit nito ang pangalawang puwesto sa event na may 14-player single round robin.
Inirehistro ng 46-anyos, Laylo ang siyam na puntos matapos makipagkasundo ng draw kay WGM Janelle Mae Frayna sa 17 sulungan ng Queen's Bambit sa event na inorganisa ng National Chess Federation of the Philippines, (NCFP) sa pamumuno ni chairman Prospero "Butch" Pichay at ni executive director GM Jayson Gonzales.
Napunta naman ang isang ticket para makatulak ng piyesa sa Olympiad, kay Michael Concio Jr. na nauwi sa tabla ang laban kay IM Mark Jay Bacojo sa tournament na suportado ng Philippine Sports Commission, (PSC) sa pangunguna ni chairman Patrick "Pato" Gregorio.
May 8.5 puntos si Concio habang nakopo ni GM Daniel Quizon ang 4th place sa inilistang 8 puntos nang mauwi sa draw ang laban nito kay IM Ronald Bancod.





Comments