top of page
Search
BULGAR

Illegal recruitment at human trafficking, dapat na labanan

ni Ryan Sison @Boses | Oct. 5, 2024



Boses by Ryan Sison

Para paigtingin ang paglaban sa illegal recruitment at human trafficking, nagsanib-puwersa na ang Department of Migrant Workers (DMW) at lokal na gobyerno ng Aklan province. 


Nilagdaan ng DMW ang isang Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang Aklan provincial government upang mapabuti ang mga lokal na polisiya habang pinoprotektahan naman ang mga karapatan at kapakanan ng mga overseas Filipino worker (OFWs) sa naturang lalawigan.


Bukod sa layong pagsugpo sa mga ilegal na aktibidad, nangako ang DMW na pagbubutihin pa nila ang kanilang serbisyo para sa mga OFW sa Aklan.


Ayon sa kagawaran, ang paglagda sa isang MOA ay naglalayong paigtingin ang pagbibigay proteksyon sa mga OFW laban sa mga illegal recruiter, bumalangkas at magpatupad ng mga lokal na polisiya para palakasin ang mga karapatan at isulong ang kapakanan ng mga migrant worker at kanilang mga pamilya sa lalawigan.


Noong September 25, 2024, hindi bababa sa 60 indibidwal, kabilang ang mga town mayor ng Aklan, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, mga tagapamahala ng Public Employment Service Office (PESO), mga police officer, at iba pang lokal na opisyal ang dumalo sa isang komprehensibong seminar tungkol sa Anti-Illegal Recruitment and Trafficking in Persons (AIRTIP) na isinagawa nina DMW Assistant Secretary Francis Ron de Guzman at Migrant Workers Protection Bureau Director Eric Dollete.


Binigyan naman ang mga kuwalipikadong OFW beneficiaries ng cash assistance na P30,000 hanggang P50,000 sa ilalim ng Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFW na Nangangailangan (AKSYON Fund) ng DMW.


Ipinabatid din sa mga ito ang isinasagawang reintegration program para sa mga returning OFW, kung saan nag-aalok ng livelihood assistance at skills training, partikular na ang paghabi ng piña textiles at iba pang crafts. 


Matatandaang ang piña handloom weaving ng Aklan ay kinilala ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) noong Disyembre 2013 at napabilang sa Representative List of the Intangible Cultural Heritage.


Talagang hindi madali na labanan ang mga nagkalat na mga illegal recruiter sa bansa.

Dahil ang target lokohin ng mga kawatang ito ay iyong mga kababayan nating nasa mga probinsya na nangangarap lamang na makapagtrabaho sa ibang bansa.


Kaya mabuti ang ginawang ito ng kagawaran at lokal na pamahalaan ng lalawigan ng Aklan na magkasundo para maproteksyunan ang lahat ng OFW sa nasabing lugar laban sa mga mandarambong.


Sa ganitong paraan kasi ay magkakaroon ang ating mga kababayan ng kamalayan laban sa mga ilegal na gawain habang maiiwasan pa silang mabiktima ng mga manloloko.

Hiling lang natin sa kinauukulan na mas palawakin pa ang kanilang pakikipagsanib-puwersa sa mga pamahalaang panlalawigan sa ating bansa upang tuluyang nang magsugpo ang illegal recruitment.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page