Illegal Recruitment Agency, suyurin, ipasara
ni Ryan Sison @Boses | Enero 29, 2024
Nasa anim na illegal recruitment agency ang naipasara ng gobyerno, na karamihan sa kanila ay ginawa nitong pagtatapos ng 2023.
Sa isang panayam ng Dobol B TV, sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) officer-in-charge Atty. Hans Leo Cacdac na sa huling apat na buwan ay nakaapat ang kagawaran, habang umabot sa anim ang kanilang ipinasarang ahensya.
Ayon kay Cacdac, simula pa noong panahon ng yumaong DMW Secretary Susan “Toots” Ople nang manungkulan ito noong July 2022, umabot na sa kabuuang 14 illegal recruitment agencies ang kanilang naipa-shut down.
Kasama na rito ang pinuntahan nila at ipinasara sa Quezon City, kung saan aniya, ito ay muling pagpapahiwatig nila sa kanilang determinasyon na sugpuin ang illegal recruitment dahil sa nagiging talamak na ito sa ating bansa.
Ang tinutukoy ni Cacdac ay ang isang travel agency sa QC na iniutos nilang ipasara nitong Martes lamang dahil sa umano’y illegal recruitment operations.
Batay sa mga reklamong inihain ng ilang mga aplikante, ang Legal Connect Travel Consultancy ay naniningil ng fees ng nasa P200,000 hanggang P380,000 para sa mga trabaho raw sa Italy at Malta.
Sinabi rin ni Cacdac na siguro ay umaarte ang mga ito at nagkukunwari silang hindi nila alam o walang ideya sa kanilang ilegal na gawain, subalit nakasaad sa ating batas na ‘ignorance of the law excuses no one’.
Hindi naman kasi katwiran na walang alam sa kumpanyang pinagtatrabahuhan, habang dapat batid din natin kung ano ang mga ipinatutupad ng batas.
Binanggit naman ng opisyal na ang Overseas Filipino Workers (OFW) Hospital sa Pampanga ay kasalukuyang nagpupuno ng halos 200 posisyon. Aniya, ito ay bilang pagsisikap na rin ng kagawaran para mapabuti ang mga pasilidad at kanilang mga kawani upang makapagbigay sila ng mas maayos na serbisyo, partikular na sa mga OFW.
Mahusay ang ginagawa ng DMW na pagpapasara sa mga mahuhuling illegal recruitment agencies na nambibiktima ng ating mga Pinoy worker na nagtatrabaho abroad.
Hindi kasi makatarungan talaga na niloloko ang mga kababayan nating OFW, na sadyang nagpapakahirap na maghanapbuhay sa ibang bansa upang kumita para sa kanilang mahal na pamilya.
Sa mga pasaway na recruitment agency, tantanan n’yo na sana ang pang-i-scam sa inyong kapwa at tigilan ang ganyang klase ng ilegal na gawain. Sa halip na mandugas, magbago na kayo ng pamumuhay at maging patas. Magtrabaho rin sana kayo ng maayos at marangal, nang sa gayun ay magmumula sa malinis at mabuti ang inyong kikitain at ipapakain sa inyong pamilya.
Hiling natin sa kinauukulan, na patuloy na suyurin at hulihin ang ganitong klase ng mga manloloko, ikulong at pagmultahin para hindi na sila dumami pa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments