top of page

Illegal online gambling, nabuhay na naman

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 13
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | September 13, 2025



Boses by Ryan Sison

Hindi na bago ang balita tungkol sa ilegal na sugal, pero ngayong nadadala na ito sa cyberspace, mas lumalalim ang problema na idinudulot nito sa lipunan. 


Ang paghuli at matagumpay na operasyon ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), at Philippine National Police (PNP) ay isang patunay na kahit digital ang labanan, hindi ligtas ang mga lumalabag sa batas. Nasa pitong suspek ang inaresto at kinumpiska ang kanilang kagamitan — mula cellphone hanggang cash — na ginagamit sa ilegal na online gambling. 


Nagsimula ito nang madiskubre ang isang authorized agent ng PCSO ay nagpapatuloy sa operasyon kahit paso na ang kontrata nito noong Hulyo. 


Ayon kay PCSO Shield Chair Orlando Malaca, hindi lang kita ng gobyerno ang nalulugi at nawawala kundi mismong serbisyo para sa mahihirap ang apektado, partikular na ang medical assistance na inaasahan ng libu-libong mamamayan.


Ibig sabihin nito nabuhay na naman ang illegal online gambling, kaya naman sanib-puwersa na at nagtulungan ang PCSO, CICC, at PNP. 


Sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act (RA 10175) at Presidential Decree 1602 o Prescribing Stiffer Penalties on Illegal Gambling, mahaharap ang mga naaresto habang dadaan sa forensic analysis ang mga nakuha nilang gadget para tukuyin pa ang mas malaking network ng sindikato, batay sa awtoridad.  


Dagdag ni CICC Acting Executive Director Aboy Paraiso, kahit maliit ang operasyon, malaki ang epekto sa paglipas ng panahon, kaya’t kailangang seryosohin ang pagsugpo rito. 


Ngunit higit pa rito, ito ay paalala na kailangang bigyan ng sapat na pondo at kakayahan ang mga institusyon para magtuluy-tuloy ang pagpuksa sa ilegal na gawain. 


Kung tutuusin, ang online sugal ay parang sakit na tahimik na lumalaganap. Marami ang naeengganyo at pinapasok ito sa pag-aakalang legal dahil sinasabing awtorisado naman ng gobyerno, subalit hindi pala. Hindi lang bulsa ang tinatamaan, kundi ang tiwala ng publiko sa sistemang dapat sana’y nagseserbisyo para sa kanila. 


At kung may mawawalang pondo — buhay ng mga umaasa sa ayuda ng gobyerno ang maapektuhan. Bawat pisong nauuwi sa ilegal na gawain ay mayroong pisong nasasayang at hindi napupunta sa tunay na nangangailangan. Kaya dapat walang tigil sa pagtugis sa mga sangkot sa illegal online gambling at sila’y parusahan. 


Higit sa lahat, hindi lang kinauukulan kundi tayo rin ay dapat simulan ang paglilinis sa cyberspace at seryosohin ang pagsugpo sa ilegal na mga gawain.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page