top of page

Ilang sementeryo naghahanda na sa Undas 2022

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 14, 2022
  • 2 min read

ni Lolet Abania | October 14, 2022



Puspusan na ang paghahanda sa mga sementeryo, habang may mga nakapaskil na ring mga paalala para sa darating na Undas.


“Nagkabit na kami ng tarpaulin para mabasa ng mga may kapamilya dito sa loob para makita nila ‘yung mga paalala, anong kailangang gawin, oras ng dalaw, nagpa-tree cutting na rin po. Nagpa-aspalto rin kami ng ibang area para maayos ‘yung daanan then nag-inspect na rin ‘yung kapulisan natin,” pahayag ni Vicente Miguel Garzo, admin staff ng Manila South Cemetery.


Gayundin, todo na ang paglilinis ng mga caretaker sa mga puntod at paligid ng sementeryo dahil na rin sa inaasahang pagdagsa ng mga tao na dadalaw sa kanilang mahal sa buhay.


Batay sa anunsiyo ng lokal na gobyerno ng Manila, simula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2, hindi papayagang makapasok sa Manila North at Manila South Cemetery ang mga hindi pa bakunado at mga batang edad 12 pababa.


“Bago tayo makapasok sa main gate, mayroon na tayong inspection area na nandoon ‘yung ating mga kapulisan sila na ‘yung naka-assign para mag-inspect ng vaccine card. At the same time, sila na rin ang magbabantay sa gate kung bata po hindi talaga papapasukin, iho-hold na sila doon,” paliwanag ni Roselle Castaneda, officer-in-charge ng Manila North Cemetery.


Magbubukas ang mga nasabing sementeryo ng alas-5:00 ng madaling-araw hanggang alas-5:00 ng hapon lamang sa mga nabanggit na petsa.


“Pagdating po ng 4 P.M. ‘yung mga COVID marshall at kapulisan natin ay iikot na po at mag-a-announce na pwede na tayong bumaba manalangin na tayo dahil 5 P.M. isasara natin ang gate ng Manila North Cemetery,” saad ni Castaneda.


Tiniyak naman ng pamunuan na mayroon silang mga nakalaang wheelchair para sa mga senior citizen at persons with disability (PWD) dahil sa bawal na rin ang anumang uri ng sasakyan. Hindi pa rin papayagan ang magtinda ng mga pagkain, bulaklak at kandila sa loob ng sementeryo. Nagkasa naman ang Manila Police District (MPD) ng kanilang security plan bilang paghahanda sa Undas.


Ayon kay MPD spokesperson Police Maj. Philipp Ines, nasa 700 personnel ang kanilang ide-deploy sa Oktubre 31 habang sa Nobyembre 1 hanggang 2 naman ay nasa 1,500 pulis ang nakabantay sa paligid ng sementeryo.


Paalala naman ng city government na ipinagbabawal ang pagdadala ng mga patalim, baril, mga matutulis na bagay gaya ng kutsilyo, cutter, iba pa o anumang deadly weapons.


Gayundin, bawal ang pagdadala ng mga alcoholic beverages o nakalalasing na inumin, at flammable materials o madaling magliyab.


Ang pagdadala ng mga videoke o anumang sound system na maaaring lumikha ng malalakas na ingay, at deck of cards, bingo cards, o anumang uri ng pagsusugal ay ipinagbabawal.


Hinimok naman ng pamunuan na magsuot pa rin ng face mask ang mga dadalaw kahit pa open space ang mga sementeryo bilang pag-iingat at pagsunod sa minimum health protocols.


Samantala, papayagan naman na maglinis, magpintura at mag-renovate ng mga puntod hanggang Oktubre 25 lamang. Pansamantala namang ititigil ang paglilibing at cremation mula Oktubre 28 habang magre-resume ito sa Nobyembre 3.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page