Ilang police officers, tumangging mag-resign — PNP chief
ni Lolet Abania | January 5, 2023

Ipinahayag ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Rodolfo Azurin Jr. na ilang ranking police officers ang tumangging mag-file ng kanilang courtesy resignation dahil sa personal at career na kadahilanan.
Sa isang press conference ngayong Huwebes, sinabi ni Azurin na nagpatawag siya ng isang command conference kasama ang mga colonels at general kung saan tinalakay niya sa mga ito ang panawagan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos para sa kanilang resignation.
Una nang inapela ni Abalos sa lahat ng general at colonel ng PNP na magsumite ng kanilang courtesy resignation bilang bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na alisin sa puwersa ng pulisya ang mga officers na nasasangkot sa illegal drug trade.
“Lumalabas doon puro personal, ‘Personally, hindi ako magsu-submit’, ‘yun ‘yung sinasabi because this is their bread and butter, ito ‘yung career nila. Sabi nga nila parang wala kaming ginawa for the last 30 years,” saad ni Azurin.
Paliwanag ni Azurin, sinabi niya sa mga opisyal na ang PNP, hindi sila personal, ay nasa trial at dapat na iprayoridad nila ang interes ng police organization, kasunod ang kanilang sarili at interes ng pamilya.
“Laging kong sinasabi, the organizational interest should always take precedence over ‘yung individual interests natin because we are members of the armed services,” ani Azurin.
“When we enter[ed] the service, I think we surrender[ed] majority of our rights and that rights include when you are being called upon and you are being challenged, you should respond because the organization nga who is under trial, e parte ka lang ng organisasyon na ‘to. Are you not going to heed the call because of pride?” dagdag ni Azurin.
Sa kabila ng ilang pagtanggi, sinabi ng PNP chief na nananatili naman ang pangako o commitments mula sa mga concerned PNP personnel na mag-file ng kanilang courtesy resignation.
Ayon kay Azurin, ang kanyang buong command group ay nakapag-file na ng kanilang courtesy resignation.
Gayundin para kay Azurin, nakikita lamang niyang mas mababa sa 5 ranking officers ang sangkot umano sa illegal drug trade.
Samantala, aniya, “Ang target date namin sa PNP at least by not later than January 31 ay maka-submit na ‘yung lahat ng magsu-submit [ng courtesy resignations].”
Isang five-member committee ang magre-review ng resignations ng mga police officers, ayon pa kay Azurin.





Comments