Ika ni Sen. Imee, dapat atupagin ng kongreso mapababa ang presyo ng mga bilihin at bayarin, hindi Cha-Cha
- BULGAR
- Jan 12, 2024
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Enero 12, 2024
KAHANGA-HANGA SI SEN. IMEE MARCOS SA PAGIGING TAPAT SA KONSTITUSYON -- Kahanga-hanga ang ipinakitang pagrespeto ni presidential sister, Sen. Imee Marcos sa Saligang Batas ng Pilipinas kaya’t kahit ang Kamara na pinamumunuan ng pinsan niyang si Speaker Martin Romualdez ang namumuno sa Cha-cha (Charter Change) ay lantaran itong tinututulan ng senadora.
Isa kasi sa ayaw ni Sen. Imee na mabago sa Konstitusyon ay ‘yung aalisin ang term limit sa mga pulitiko, na ibig sabihin “no term limit” o wala nang alisan sa puwesto ang mga politician.
Ika nga ni Sen. Imee, ang dapat atupagin ng Kongreso ay gumawa ng mga panukalang batas na magpapababa sa presyo ng mga bilihin at bayarin, at hindi iyang Cha-cha ang inaatupag ng mga kongresista, boom!
◘◘◘
SA CHA-CHA, MAKIKINABANG LANG ANG MGA PULITIKO AT MGA DAYUHANG MAY INTERES SA LUPA NG ‘PINAS -- Kalat na sa buong bansa ang mga nagpapapirma sa mga botante para sa “People’s Initiative” kapalit ng P100 upang baguhin ang Konstitusyon.
Panawagan nga ni Sen. Imee sa mamamayan na huwag ipagbili ang kanilang pirma kasi kapag nabago ang mga nilalaman ng Saligang Batas, ang makikinabang lang d’yan ay mga pulitiko at mga dayuhang may interes sa lupa ng Pilipinas, period!
◘◘◘
P-BBM HAPPY SA PAGSASAMPA NI NCRPO GEN. NARTATEZ NG KASO SA 177 PARAK NA SANGKOT SA DROGA -- Ikinatuwa ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) ang naging aksyon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. sa pagsasampa ng kaso sa 177 parak sa Metro Manila na sangkot sa droga.
Sana all na police regional director ay tulad ni Gen. Nartatez na walang sinasanto sa paglaban sa droga, kahit kapwa nila parak ay kinakasuhan agad para madismis na sa serbisyo at makulong ang lahat ng pulis na sangkot sa kalakaran ng droga sa ‘Pinas, boom!
◘◘◘
IBASURA SA 2025 ELECTION ANG MGA RE-ELECTIONIST SENATORS NA ‘NGANGA’ LANG SA SENADO -- Sa mga survey ay laging pasok sa top 12 ang mga re-electionist senators sa 2025 election.
Sana naman suriin ng mga botante kung may nagawang batas para sa kapakanan ng bayan at mamamayan ang pipiliing re-electionist senator. At kung sino ‘yung wala namang nagawa o laging “nganga” lang sa Senado at ang tanging sikat na pangalan lang ang panlaban sa eleksyon, sana ibasura ito ng mga botante sa araw ng halalan, period!





Comments