Ika-36 anibersaryo ng EDSA Revolution
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | February 27, 2022
Ipinagdiwang natin noong Biyernes ang ika-36 anibersaryo ng EDSA Revolution. Ito na ba ang huling pagdiriwang ng EDSA People Power Anniversary? Handa na ba tayong isuko ang alaalang hindi masusukat ang halaga, ang buong kasaysayan ng pakikibaka ng taumbayan laban sa kalabisan at karahasan?
Paano kung mawala ang kaluluwa ng ating bansa, ang pangkalahatang kaluluwa bilang Pilipino?
Kaya’t ganun na lang ang pagsisikap ng marami na huwag kalimutan ang EDSA Revolution.
Una, sumama tayo sa organisadong Walk for Truth and Justice ng mga layko, pari at relihiyoso mula Makati Fire Department hanggang Ninoy Aquino Statue sa Paseo de Rojas, corner Ayala Avenue. Humigit-kumulang 200 katao ang maagang nagtipun-tipon sa Freedom Park na malapit sa Makati Fire Department.
Ganap na alas-7:30 ng umaga, nagrosaryo at naglakad ang mga naroroon patungong estatwa ni Ninoy Aquino. Tahimik ang lahat maliban sa tinig ng namumuno sa rosary at ang sama-samang tinig ng lahat ng naglalakad na sumasagot. Nang dumating ang grupo sa estatwa ni Ninoy, pinagbahagi ako ng mga organizer. Natapos sa pag-awit ng Bayan Ko ang buong programa.
Pangalawa, alas-8:30 ng umaga, dumating na ang sundo namin mula Commission on Human Rights. Dumating kami ng CHR ilang minuto bago mag-alas-10: 00 ng umaga.
Ipinagdiwang natin ang misa at nagbigay ng munting homeliya hinggil sa pag-alaala ng EDSA Revolution. Sa puntong ito natin natutunan ang bagong konsepto mula sa mga empleyado ng CHR.
Ibinahagi nila ang konsepto ng “Banal ng Bayani.” Nabuo ng mga taga-CHR ang konsepto ng “Banal na Bayani” dahil sa pagdiriwang ng ika-100 anibersaryo ng kapanganakan ni Ka Pepe Diokno.
Sa konseptong ito, iisa ang pagmamahal sa Diyos at sa Bayan. Kitang-kita ito sa pagiging madasalin ni Ka Pepe na palaging nagrorosaryo at nagsisimba. Makikita rin ito sa buhay ng kapapanaw lang na Chairperson ng CHR na si Chair Chito Gascon.
Pangatlo, alas-11:00 ng umaga, umalis kami sa CHR at nagtungo sa EDSA Shrine ng Birhen na Kapayapaan. Sa wakas nakita ko na ang palagi ko lang nakikita sa hindi kalayuan. Nakita’t nakausap natin si Cardinal Jose Advincula. Mainit ang pagtatagpo. Si Cardinal Jose Advincula na halos isang taon nang hirangin siyang Arsobispo ng Maynila.
Nagmisa siya kasama ang kaparian at layko na pinuno ang EDSA Shrine para magpasalamat sa People Power Revolution.
Mananatiling mahalagang timon ang pag-alaala sa EDSA Revolution. Minsang nagising ang natutulog at natatakot na mamamayan at sa pamamagitan ng mapayapang panalangin, pagbabahagian at pagsasanib ng puso’t diwa’t bisig, binuhay ang kaluluwang binusalan, kinulong at binawian ng lakas at tiwala sa sarili, Diyos at kapwa.
Higit pa sa bakuna ang alaalang buhay at masigla. Liwanag din ito na nagbibigay-kahinahunan at karunungan sa kadiliman at kalituhang dulot ng trapong pulitika sa panahon ng pangangampanya.





Comments